Ni ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN

Kasunod ng serye ng madudugong aksidente na kinasasangkutan ng public utility vehicles nitong holiday week, muling pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang mga driver na palaging sumunod sa batas trapiko at tumalima sa speed limits upang maiwasan ang mga disgrasya sa kalsada.

Pinaalalahanan ni Atty. Aileen Lizada, LTFRB member at spokesperson, ang mga driver at pasahero na bumibiyahe ngayong holiday season na huwag magmadali sa kalsada para makaiwas sa aksidente.

“In this fast-paced season of holiday shopping, outing and family reunions LTFRB would like to address this message, not only to the drivers, but also to the passengers of private or hired vehicles, do not rush your drivers,” ani Lizada.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ito ay kasunod ng pagtaas ng bilang ng mga aksidente sa kalye na kinasasangkutan ng PUVs kabilang ang madudugong aksidente sa kalye kamakailan na ikinamatay ng 20 katao, kabilang ang mga bata, nitong holiday week.

Sa Bisperas ng Pasko, apat katao ang nasawi habang 25 ang nasugatan nang mawalan ng preno an jeep na kanilang sinasakyan at mahulog sa sapa sa Barangay Greenhills, North Cotabato.

Sa Araw ng Pasko, 20 katao, kabilang ang 5 bata ang namatay, at 26 ang nasugatan sa banggaan ng isang pribadong jeepney at isang provincial bus sa Agoo, La Union.

At kahapon ng umaga, dalawang nagmomotorsiklo ang agad na namatay nang masagasaan ng bus sa Mindanao Avenue, Quezon City, habang 12 ang nasugatan sa Tagkawayan, Quezon Province nang mahulog sa bangin ang isang bus.

Ayon sa LTFRB, nangyayari ang mga ganitong aksidente dahil sa dalawang dahilan – nagmamadali ang driver o inaapura ng pasahero ang driver.

Kaugnay nito, hinimok ang LTFRB ang mga pasahero na palaging paalalahanan ang kanilang mga driver na sumunod sa batas trapiko at isaisip ang speed limits.

Pinayuhan din ng LTFRB member ang mga pasahero na isumbong ang mga driver na lumalabag sa batas trapiko at kasuhan ang mga ito.