Iniutos ng Commission on Audit (CoA) sa isang opisyal ng Department of Agriculture (DA) sa Visayas na ibalik sa pamahalaan ang P14.77-milyon "pork barrel" funds ni dating Senador Jinggoy Estrada, dahil sa usapin sa liquidation papers nito noong 2011.

Sa direktiba ng komisyon, sinabi nitong pinagtibay ng CoA ang inilabas na desisyon ng regional office nito noong 2015 na nag-aatas kay DA-Western Visayas Chief Accountant Mae Nones na isauli sa national treasury ang nasabing halaga ng pork fund ni Estrada.

Ayon sa CoA, ipinaliwanag ni Nones na hindi ito dapat managot sa “improper liquidation” ng pondo dahil isa lamang “ministerial at regular na trabaho nito” ang paglilista sa books of accounts.

Binanggit ng CoA na lagpas na ng 14 na araw ang 6-month period na ibinigay ng ahensiya upang makapagpaliwanag kaugnay ng liquidation deficiency nito.

House Sergeant-at-Arms kay VP Sara: 'Pinagbigyan pero sumobra!'

Nilinaw din ng CoA sa desisyon nito na binigyan nito ng notice of disallowance noong Oktubre 2011 ang pagpapalabas ng pork barrel funds ni Estrada sa Jacinto Castel Borja Foundation, Inc. para sa implementasyon ng Diversified Farm Assistance for Negros Occidental Agri-Products program.

Gayunman, ipinaliwanag ng CoA na dapat ay naberipika muna ni Nones ang mga isinumiteng papeles bago niya ito ipasok sa books of accounts. - Rommel P. Tabbad