RELIEF GOODS PARA SA SINALANTA.  Isinasakay kahapon ng mga sundalo ang relief goods at supplies sa C-130 plane sa Villamor Airbase sa Pasay City para ibiyahe sa mga lugar sa Lanao del Norte na sinalanta ng bagyong ‘Vinta’. (MB photo | CZAR DANCEL)
RELIEF GOODS PARA SA SINALANTA. Isinasakay kahapon ng mga sundalo ang relief goods at supplies sa C-130 plane sa Villamor Airbase sa Pasay City para ibiyahe sa mga lugar sa Lanao del Norte na sinalanta ng bagyong ‘Vinta’. (MB photo | CZAR DANCEL)

Lumobo na sa 240 ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng bagyong 'Vinta' ngayong nakapagsumite na ng mga report sa mga himpilan ng pulisya, partikular sa mga binahang lugar sa Zamboanga Peninsula region.

Ang mga nadagdag sa bilang ng nasawi ay mula sa Lanao del Sur, na nakapagtala ng siyam mula sa naunang 18 pagkasawi; at sa Zamboanga Peninsula region, na may 78 namatay, karamihan ay sa Zamboanga del Norte na umabot sa 74.

Ang mga nasawi sa Northern Mindanao ay nananatili sa 135, subalit 72 pa ang nawawala, ayon kay Supt. Lemuel Gonda, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-10.

Human-Interest

Mag-asawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pinagtapos naman ang 9 na anak!

Sinabi ni Chief Insp. Helen Galvez, tagapagsalitang Zamboanga Peninsula Region, na nasa 27 katao na lamang ang nawawala sa rehiyon, 26 sa mga ito ay sa Zamboanga del Norte, habang ang isa ay sa Zamboanga Sibugay.

Mahigit 500 bahay din ang napinsala sa buong rehiyon, ayon kay Galvez, karamihan ay dahil sa basa na nanalasa sa ilang bayan sa Zamboanga del Norte.

Sinabi rin ni Galvez na may kabuuang 8,548 ang nakatuloy sa mga evacuation center sa rehiyon.

Samantala, limang road section sa Region 10 ang nasira ng bagyo.

Batay sa ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bukidnon, naapektuhan ng landslide ang ilang bahagi ng Kapalong-Talaingon-Valencia Road, partikular na sa Barangay San Jose, San Fernando; gayundin ang kilometer 1538 + 000 - kilometer 1560 + 000 sa Sitio Nabunturan sa Bgy. Kalagangan, San Fernando; at ang bahagi ng Kalagangan Bridge.

Sa Lanao Del Norte, napinsala naman ang Dalama Bridge sa Bacolod-Madalum Highway, gayundin ang Daligdigan Bridge sa Salvador-Sapad-Nunungan Road.

Dahil sa mga pinsala, naglagay na ang DPWH ng mga warning sign sa mga napinsalang tulay at kalsada upang maabisuhan ang mga motorista at iwasan ang nasabing mga lugar. - Aaron Recuenco at Mina Navarro