Ni Annie Abad

ramirez copyKUNG mangangarap din lang naman, bakit hindi pa lakihan at taasan.

Sa ganitong pananaw, ibinatay ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang kanyang saloobin para sa kinabukasan ng Philippine sports at handa siyang pagtuunan ang panahon at pondo ang paghahanda ng Team Philippines para masiguro na maging overall champion sa 2019 SEA Games sa Manila at makamit ang unang gintong medalya sa 2020 Tokyo Olympics.

Iginiit ni Ramirez na taglay ng kasalukuyang pool of athletes ang galing at talento na maipapantay sa international level at handa ang pamahalaan na suportahan ang pagsasanay ng mga atleta para makamit ang minimithing gintong medalya sa Summer Games.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Mataas din ang kumpiyansa ni Ramirez sa matikas na kampanya ng delegasyon sa Asian Games sa susunod na taon sa Jakarta, Indonesia.

“This is my vision. 2018 [Asian Games], we will get medals. I cannot give you colors,” pahayag ni Ramirez sa media conference bago ang mahabang bakasyon ng Kapaskuhan.

“But in the SEA Games, we will be champion. Olympics, we might get one gold,” aniya, patungkol sa patuloy na progreso sa pagsasanay nina Kiyomi Watanabe at Mariya Takahashi ng judo, at Hidilyn Diaz sa weightlifting.

“Malaki ang tsansa natin sa dalawang judokas. Mga bata pa sila at maylugar pa para ma-improve. Si Hidilyn naman, kondisyon lagi at pabor yung pagkawala ng karibal niyang Chinese because of doping issues,” aniya.

Nakopo nina Watanabe at Takahashi ang gintong medalya sa nakalipas na 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

“Very potensyal sina Kiyomi at Mariya. Pukpukin lang natin ng todo sa training, malaki ang tsansa natin,” pahayag ni Ramirez.

Sa Rio Olympics, natugunan ni Diaz ang mahabang panahong pagdarahop ng Pinoy sa medalya sa Olympics nang makamit ang silver medal. Nitong nakalipas na World Championship sa California, bumuhat ng bronze medal ang pambato ng Zamboanga City.

“Can be in judo, can be in weightlifting. Puwedeng both,” pahayag ni Ramirez.

Target ng Team Philippines na malagpasan ang isang gintong medalya na napagwagihan sa 2014 edition mula kay BMX rider Daniel Caluag. Hindi na magbabalik sa delegasyon ang US-based biker, ngunit maraming potensyal na nakikita si Ramirez para sumabak sa Asiad.

“We have identified 10 sports and 25 athletes for the Tokyo Olympics,” pahayag ni Ramirez.

“In spite of our problems, we can still perform in the Asian Games, SEA Games, and the Olympics. There are many great Filipinos,” aniya.