Ni Aaron Recuenco

Isang 56-anyos na mangingisda ang nasawi makaraang atakehin umano ng isang buwaya habang inaayos ang kanyang bangka sa Bataraza, Palawan, iniulat ng pulisya kahapon.

Sinabi ni Chief Insp. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-4B Mimaropa, na nadiskubre ang bangkay ni Abubakar Salih makaraang humingi ng saklolo sa pulisya ang misis nito.

“Nag-alala ‘yung asawa kasi hindi na nakauwi ang mister niya isang oras makaraang umalis ng bahay para ayusin ‘yung motorized banca niya,” sabi ni Tolentino.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon kay Tolentino, sinabi ni Salih sa misis nito na titiyakin nitong sakaling tumaas ang tubig sa dagat ay hindi matatangay ang kanilang bangka, bandang 8:00 ng gabi nitong Huwebes.

Natagpuan ang bangka na nakatali malapit sa ilog sa Barangay Malitub sa Batazara.

“Tumulong din ang mga residente at nagsagawa ng search sa ilog, hanggang sa matagpuan ang bangkay ng biktima na maraming kagat ng buwaya,” ani Tolentino.

Bandang 7:00 ng umaga kinabukasan nang matagpuan ang bangkay ni Salih.