ni Aris Ilagan
AYAN! Inumpisahan na ng Makati City government, at sana’y magsilbi itong huwaran ng iba pang lokal na pamahalaan sa bansa.
Sa Disyembre 22, 2017, ipatutupad na ng lokal na pamahalaan ng Siyudad ng Makati ang Ordinance No. 2017-135 na nagbabawal sa mga paslit at kabataan na sumakay sa likurang bahagi ng rider’s seat ng motorsiklo o tricycle.
Ipinagbunyi ni Makati City Mayor Abigail Binay ang pagkakapasa ng Konseho sa Ordinance No. 2017-135 dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga paslit na nadadamay sa aksidente sa motorsiklo at tricycle.
Ito’y dahil madalas silang sumakay sa likuran ng rider ng motorsiklo at driver ng tricycle.
At dahil mga bulinggit at hindi sila makakapit nang husto sa tiyan o tagiliran ng rider at hindi rin nila maabot ang foot peg ng motorsiklo, kadalasan sila’y tumitilapon sa tuwing mababangga ang sasakyan.
“Local governments must take swift and definitive action to arrest the growing number of children injured or killed in road crashes involving motorcycles and tricycles. It is our duty to use the powers vested in us to enact and implement laws that complement and strengthen national laws, and ensure these are strictly enforced in our own localities,” pahayag ni Mayor Abby.
Ikinasa ng Makati City government ang multa sa mga pasaway na rider at tricycle rider sa P2,000 sa unang paglabag sa naturang ordinansa; P3,000 sa ikalawa; at P5,000 sa ikatlo na posibleng may kasabay na pagkakakulong ng hindi hihigit sa anim na buwan depende sa ihahatol ng huwes.
Nakasaad sa ordinansa na maaari lamang magsakay ng paslit sa backseat ng tricycle o motorsiklo kung naaayon sa tatlong kondisyong ito: 1) Abot ng mga paa ng pasahero ang foot peg ng motorsiklo; 2) Kayang ipulupot ng pasahero ang kanyang braso sa tagiliran ng rider; at 3) May suot na helmet na may Philippine Standard (PS) o Import Commodity Clearance (ICC) sticker.
Talaga namang nakalulungkot na ang mga pangyayari sa ating mga lansangan. Kaliwa’t kanan ang mga sakuna sa lansangan at tila inutil ang pamahalaang nasyunal na solusyunan ito.
Mabuti pa sa Makati, maagap na kumikilos ang pamahalaang lokal upang maiwasan ang ganitong klase ng sakuna na kung ating iisipin ay nag-uugat lamang sa kapabayaan o katangahan.
Sana’y mahigpit na bantayan ng mga traffic aide sa Makati ang mga paaralan sa siyudad kung saan talamak ang paggamit ng mga tricycle bilang “school bus.”