Ipinatanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang apo na si Isabelle Duterte na binatikos ng netizens matapos ang ang kanyang pre-debut photo shoot sa Malacañang nitong nakaraang linggo.

Si Isabelle, anak ni Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, ay nagsama ng mga sikat na stylists at makeup artists sa Presidential residence nitong nakaraang Huwebes upang kunan siya ng litrato para sa kanyang 18th birthday celebration.

Sinabi ni Duterte, sa birthday celebration ni Senador Manny Pacquiao sa General Santos City, na hindi dapat gawing isyu ang photo shoot.

“Ano ba naman ‘yan? Kadugo ko ‘yan eh. Small matter, gamitin lang ‘yung Malacañang. Wala naman ako doon,” ani Duterte.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“But even if I was there, itong granddaughter ko magpa-picture, lahat nga ng mga bisita pumupunta diyan, nagpapa-picture eh,” diin niya.

Nauna rito ay umapela ang Malacañang sa publiko na tantanan ang mga Duterte dahil pinili na nga nilang huwag tumira sa Presidential residence.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na ang apo ni Duterte at ang kanyang team ay dumaan sa proper documentation bago isinagawa ang photo shoot.

“Even ‘yung pagpasok sa Malacañang has to be recorded somewhere, it has to be approved,” ani Roque sa Malacañang reporters.

“They already opted not to live in the Palace. Kung ginusto nila, pwede silang tumira doon at our expense. Hindi naman po nila ginawa ‘yun. ‘Wag naman po nating ipagkait ‘yung photo opportunity sa loob ng Palasyo,” dagdag niya.

Binatikos ng netizens ang photoshoot ni Isabelle dahil sa pagpapakuha niya ng litrato sa tabi ng Philippine flag, Presidential Seal, at sa Presidential Flag.

Naniniwala si Roque na walang nilabag na batas o kautusan si Isabelle nang magpakuha ito ng litrato sa tabi ng mga sagisag ng Pangulo.

Hinamon naman ni Communications Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson ang mga bumabatikos sa apo ni Duterte na maghain ng kaso.

“May batas daw na nalabag dahil sa pag gamit ng seal? Eh bakit hindi nalang mag demanda may batas palang nalabag,” ani Uson.

Gayunman, nakasaad Section 3 ng Executive Order No. 310 na nilagdaan ni dating President Gloria Macapagal Arroyo noong 2004, ang Seal, Flag, at Coat-of-Arms ng President at Vice President “shall be exclusively used to represent the President of the Philippines”.

Ang mga simbolo ay maaaring gamitin maliban sa historical, educational, o newsworthy purposes kapag may nakasulat na awtorisasyon ng Office of Presidential Protocol. - Argyll Cyrus B. Geducos