GANAP na nawalis ng Ateneo de Manila ang unang round ng UAAP Season 80 juniors basketball tournament matapos igupo ang De La Salle-Zobel sa huling laro nila kahapon sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.

May limang Blue Eaglets ang tumapos na may double digit sa pangunguna ni SJ Belangel na nagposte ng 23 puntos.

Nagdagdag naman ng double -double performance si Joaqui Manuel na umiskor ng 16 puntos at 13 rebounds, na sinundan ni Dave Ildefonso at Jason Credo na kapwa umiskor ng 13 puntos kasunod si Kai Sotto na mayroon ding double-double 11 puntos at 16 rebound bukod pa sa 4 na blocks para sa Ateneo.

Magbabakasyon ang Eaglets ngayong Christmas break na walang bahid ang marka na 7-0.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa iba pang mga laban, bamalikwas ang National University sa nakaraang kabiguan sa kamay ng Ateneo sa pamamagitan ng 103-79 demolisyon sa UP Integrated School.

Nagsalansan si RJ Minerva ng 18 puntos at 8 rebounds na sinundan ni Rhayyan Amsali na may 13 puntos ,7 boards, 4 steals at 3 assists upang pangunahan ang Bullpups sa kanilang ika-6 na panalo sa pitong laro.

Nagtala naman ulit ng monster numbers na 32 puntos at 25 rebounds si CJ Cansino upang giyahan ang University of Santo Tomas nang talunin nila ang University of the East, 106-99, upang tumatag sa ikatlong puwesto hawak ang barahang 5-2.

Sa isa pang laban, nagtulungan sina RJ Abbarientos at LJ Gonzales at nagsalansan ng pinagsamang 41 puntos upang pangunahan ang Far Eastern University-Diliman sa 96-91 overtime win kontra Adamson University para tumapos sa first round na may markang 4-3.

Sanhi ng pagkatalo, nalaglag ang Baby Falcons at Junior Archers sa 3-4 at 2-5, na kartada ayon sa pagkakasunod habang nalaglag naman ang ,Junior Maroons sa barahang 1-6 at nanatili namang winless (0-7) ang Junior Warriors. - Marivic Awitan