Arestado ang isang 57-anyos na tindera, na umano'y suma-sideline bilang snatcher, nang agawan umano ng cell phone ang isang lady guard sa Tondo, Maynila nitong Sabado.

Kasong snatching ang kahaharapin ni Carmen Timoteo, vendor, biyuda, at residente ng Sampaloc Street, Tondo matapos ireklamo ni Charlene Soriano, 24, lady guard at taga-9th Avenue, Cubao, Quezon City dahil sa panghahablot umano sa Cherry Mobile cell phone ng huli.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Station 2, dakong 3:30 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Claro M. Recto Avenue, kanto ng Juan Luna Street sa Tondo.

Ayon kay PO2 Jaime Espejo III, nagbabantay sa lugar ang mga tauhan ng Task Force Divisoria nang marinig ang sigaw ni Soriano na humihingi ng tulong matapos na hablutin at itakbo umano ni Timoteo ang kanyang cell phone na nagkakahalaga ng P5,000.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Kaagad namang rumesponde ang mga awtoridad, sa pangunguna ni Insp. Nestor Mercado, at nakita ang biktima na hinahabol ang suspek hanggang sa naaresto ang huli, bagamat hindi nabawi ang cell phone.

Hinala ng mga awtoridad, nagawang maitapon o maipasa ng suspek sa kasabwat ang cell phone ng biktima. - Mary Ann Santiago