Ni Bert de Guzman

GUSTO at pabor ang taga-Mindanao na panatilihin ang martial law sa kanilang lugar. Sa pamamagitan nito, mabisang mapipigilan ng military at police ang planong karahasan, pagpatay, pagsalakay at pag-okupa ng teroristang Maute Group at ISIS sa mga siyudad na nais nilang agawin. May mga ulat na kung nagtagumpany ang Maute Group sa Marawi City, ang isusunod nila ay Iligan City at Cagayan de Oro City upang makapagtatag ng isang Caliphate sa Mindanao.

Sa aking palagay, hindi dapat tutulan ng taga-Visayas at taga-Luzon ang rekomendasyon ng Philippine National Police at ng Armed Forces of the Philippines, na palawigin pa ng isang taon ang ML sa Mindanao sapagkat ang mga residente roon ang higit na napipinsala kapag nanalasa ang mga elementong terorista, kriminal, BIFF, NPA at iba pang mararahas na pangkat.

Ang dapat ayawan ng taga-Visayas at taga-Luzon ay kung magdedeklara rin si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng martial law sa Visayas at Luzon. Hindi ito karapatdapat sapagkat mauulit ang martial law noon ng diktador na si Marcos. Hindi na kanais-nais na magkaroon pa uli ng bagong diktador sa katauhan ni Mano Digong.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Walang balak ang Department of National Defense na magpairal ng Christmas at New Year truce sa New People’s Army.

Sinabi ni DND Sec. Delfin Lorenzana na hindi sususpendihin ang military operations laban sa CPP-NPA ngayong Pasko at Bagong Taon. Ayon kay DND public affairs chief Arsenio Andolong, ang tigil-putukan o ceasefire sa NPA ay magkakaloob lang ng oportunidad sa CPP-NPA para ipagpatuloy ang mga pagsalakay sa military at police outposts, pananambang, pamiminsala sa sibilyan at panununog sa heavy equipment.

Sa nagdaang mga taon, laging nagdedeklara ng ceasefire ang DND kapag Pasko at Bagong Taon upang bigyan ng pagkakataon ang mga rebelde na bumaba sa bundok at makapiling ang mga pamilya nang hindi nangangamba na baka sila ay salakayin ng militar at police.

Pero ngayon, handa si Lorenzana na baliin ang tradisyong ito. Idineklara ni PRRD bilang isang terror group ang CPP-NPA matapos kanselahin ang negosasyon bunsod ng pag-atake ng NPA sa military, police, sibilyan at pagsunog sa heavy equipment ng construction companies sa maraming lugar sa bansa.

Sana naman ay maghari ang mensahe ng Kapayapaan ng Pasko, kaarawan ng Mesiyas na nanaog sa lupa upang maghatid ng katiwasayan, pagkakasundo at pagmamahalan. Sana ay tigilan na ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel ang walang habas na pagpatay sa ordinaryong pushers at users alang-alang man lang sa pagsilang ng ating Panginoong Hesukristo!