Ni PNA
DINAIG ng isang estudyante mula sa Leyte ang 11,000 kabataang estudyante mula sa 178 bansa upang masungkit ang ikatlong taunang Breakthrough Junior Challenge (BJC) Prize, at magkamit ng mahigit P20 milyon halaga ng mga premyo.
Personal na tinanggap ni Hillary Diane Andales, 18, mula sa Philippine Science High School (PSHS) Eastern Visayas Campus sa Palo, Leyte ang nasabing parangal nitong Disyembre 3 sa Ames Research Center ng NASA sa California.
Tubong Abuyog, Leyte, ginawa ni Andales ang video na Relativity and Equivalence of Reference Frames, sa paraang mauunawaan ng mga ordinaryong tao.
Tumanggap si Andales ng $250,000 post-secondary scholarship, at $50,000 naman para sa kanyang guro sa science na si Xavier Francis de los Reyes, bukod pa sa $100,000 Breakthrough Science Lab para sa kanyang paaralan, katuwang ang Cold Spring Harbor Laboratory.
Umaabot sa $400,000 ang kabuuan ng premyong natanggap niya, o P20.27 milyon.
Ang Breakthrough Junior Challenge ay isang pandaigdigang science video competition na layuning himukin ang malikhaing ideya tungkol sa mga pangunahing konsepto ng siyensiya, physics, at mathematics.
Setyembre 1 ngayong taon nang ilunsad ang kumpetisyon. Hindi si Andales ang Top Scorer sa online competition, pero napabilang siya sa finals bilang kinatawan ng Asya hanggang sa maideklarang panalo.
Ang mga kalahok ay dapat na magpamalas ng kakayahan sa pagpapaliwanag ng siyensiya at gawing simple at madaling maunawaan ang mga kumplikadong ideya. Sinuri ang mga video batay sa apat na criteria: Creativity, Difficulty, Engagement, at Illumination.
Ito ang ikalawang beses na sumali si Andales sa paligsahan.
Noong nakaraang taon, dahil sa mahigit 300,000 views ng kanyang video ay napanalunan niya ang Top Popular Vote.
Awtomatiko siyang nagkuwalipika bilang finalist para sa video presentation niya tungkol sa Feyman’s Path Integrals nang ipinaliwanag niya ang konsepto ng advance Physics sa paraang mauunawaan ng karaniwang tao.
Dahil sa kanyang tagumpay, napabilang si Andales sa Mga Bagong Rizal 2017: Pag-asa ng Bayan. Ang pagkakaloob ng parangal ay idaraos sa Disyembre 30, Araw ni Rizal.
Sa kanyang mensahe sa Facebook, isinulat ni Andales: “I’ve always looked up to two kind of stars, those who shine at night, enchanting my mind about the universe, and those that shine before me now- these amazing scientists inspiring me with their genius and tenacity to pursue the truth.”