Ni FER TABOY, at ulat ni Leslie Ann G. Aquino

Blangko ang pulisya sa pamamaril at pagpatay ng apat na lalaki sa 72-anyos na aktibistang pari na si Father Marcelito Paez sa Jaen, Nueva Ecija, nitong Lunes ng gabi.

Ayon sa imbestigasyon, bandang 8:00 ng gabi nang sinundan umano ng mga suspek, na magkakaangkas sa dalawang motorsiklo, ang sasakyan ng pari at pinagbabaril ito.

Nabatid sa imbestigasyon na nagtamo ng siyam na tama ng bala ng .45 caliber pistol ang sasakyan ni Paez.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kaagad na isinugod sa Gonzales General Hospital sa San Leonardo ang biktima ngunit binawian din ng buhay makalipas ang dalawang oras na operasyon, at idineklarang patay dakong 10:30 ng gabi.

Si Paez ay mula sa Diocese ng San Jose City, Nueva Ecija at naging coordinator ng Rural Missionaries of the Philippines sa Central Luzon.

Kilala sa aktibong pagtutol sa militarisasyon sa Nueva Ecija at Central Luzon, ilang oras bago paslangin nitong Lunes ay tumulong si Paez para mapalaya ang political detainee na si Rommel Tucay, organizer ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon-Nueva Ecija, mula sa pagkakapiit sa Cabanatuan City.

Kinondena naman ni Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari ang pagpatay kay Paez sa isang post sa website ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

“We strongly condemn the unjust and brutal killing of Fr. Tito Paez,” saad sa post ni Mallari, at nanawagan sa mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon at bigyan ng katarungan ang pamamaslang sa pari.