Ni Clemen Bautista
SA kalendaryo ng ating panahon, ang buwan ng Disyembre ang pinakahuli. At kung ihahambing natin sa magkakapatid sa isang pamilya, ang Disyembre ang pinakabunso. Nguni kahit pinahuli, masasabi rin na natatangi at naiiba ang Disyembre sapagkat marami sa ating mga kababayan ang naniniwala na ang Disyembre ay buwan na puno ng pag-asa, pag-ibig at kapayapaan.
Ang paniniwala ay nakabatay sa pagdiriwang ng Pasko na paggunita sa pagsilang ng Dakilang Mananakop, na ipagdiriwang sa ika-25 ng Disyembre. Sa pagdiriwang, may iba’t ibang pananaw at kahulugan sa marami natin kababayan. At bago sumapit ang araw ng pagdiriwang, may iba’t ibang pangyayaring nagaganap sa iniibig nating Pilipinas.
Sa pagsapit ng Disyembre, kasabay na nito at nararamdaman ang pagbabago ng panahon sapagkat inihahatid na ang malamig na simoy ng hanging Amihan. Kung minsan, may kasamang ulan at low pressure area na nagiging bagyo. Daraan, at ang malakas na hagupit ng hangin at ulan na dala ng bagyo ay mananalasa sa lugar na tinamaan At ang mapaminsalang hatid na hangin at ulan ay magpapabaha. Matinding pinsala sa buhay at kabuhayan ng ating mga kababayan ang dulot nito.
Nangyayari pa na ang pananalasa ng bagyo ay nagaganap sa panahon ng Simbang Gabi, na simula ng Kapaskuhan, tulad ng naganap sa isang lalawigan sa Mindanao ilan taon lamang ang nakalilipas.
Hindi na malilimot at itinuring na isang bangungot sa mga pininsala ng bagyo. Nawasak ang mga bahay dahil sa malakas na baha at sagasa ng mga troso mula sa bundok tangay ng malakas na agos ng tubig. Ang mga troso ay mula sa mga punong-kahoy na pinutol ng ng mga tarantado, balasubas at berdugo ng kalikasan na mga illegal logger at mga kakutsabang balasubas at berdugo rin na kalikasan na mga bugok na tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)..
Bunga ng nasabing masamang pangyayari, ang pagdiriwang ng Pasko ay nagiging isang araw na puno ng kalungkutan sa mga pininsala ng bagyo. Dalamhati sa mga namatayan ng mahal sa buhay. Ngunit sa ibang matibay ang pananalig sa Diyos at pag-asa, ang Pasko’y ipinagdiwang din sa paraan na kanilang makakaya.
Sa mga kababayan naman natin na mga manggagawa sa pabrika, empleyado sa pamahalaan, pribadong tanggapan at mga business establishment, may hatid na pag-asa ang Disyembre. Matatanggap na nila ang kanilang 13th month pay at Christmas bonus mula sa kanilang mga employer na may mabait, galante, kuripot at makunat pa sa belekoy at suwelas ng sapatos. Ngunit anuman ang maging asal ng mga employer, batay sa iniaatas ng batas, ang 13th month at Chrismas bonus ay dapat ibigay bago sumapit ang ika-24 ng Disyembre.
Sa natanggap na 13th month pay at Christmas bonus, kahit paano ay maipagdiriwang ng pamilya ang Pasko. Maibibili ng bagong damit at sapatos sina Nene at Totoy sa mga tiangge at ukay-ukay, na nagsusulputang parang kabute kapag Disyembre. Magkakatabi sa harap ng mga palengke, gilid ng national road, sa compound ng munisipyo, at sa magkabilang tabi ng mga tulay. Nagkakabanggaan tuloy ang mga taong naglalalakad , tumatawid at nagkakasalubong sa tulay.
Ang nabiling bagong damit at sapatos ay magagamit nina Nene at Totoy sa pagsisimba sa Pasko at sa kanilang pamamasko.
At kahit paano, sa 13th month pay at Christmas bonus ay makakabili rin ng pagkaing mapagsasaluhan sa Noche Buena.
Para sa mga walang natanggap na bonus at talagang mga “anak ng dalita”, ang pagdiriwang ng Pasko’y isang karaniwang araw na daraan at lilipas din. Matutulog na lamang sa bisperas ng Pasko at Noche Buena. Maaaring ang iba’y magdiriwang din ng Pasko. Kahit sa paanong paraan. Magsasalu-salo sa biniling puto, suman sa lihiya o buli. Isasawsaw sa pulang asukal o... palalanguyin sa anemic na tsokolate.
At ngayong Disyembre 2017, na iniulat na tumaas ang bilang ng mga kababayan natin na nagsasabing sila’y naghihirap, kahit paano, may krisis man sa kabuhayan o wala, ang Pasko na ipagdiriwang sa ika-25 ay isang natatangi pa ring panahon at pagkakataon na hindi nakalilimutang ipagdiwang ng mga Pilipino.
Anuman ang kalagayan sa buhay. Mayaman. Nakahilata sa salapi. Mahirap. Busabos at mga anak ng dalita. Sa pagdiriwang, kasama ang pasasalamat sa Diyos sa mga biyayang natanggap. Ang pagpapahalaga sa ating tradisyon at kultura. At sa paniwalang ang diwa ng Pasko ay Pag-ibig, Pag-asa at Kapayapaan.