Ni MARY ANN SANTIAGO

KINUMPIRMA kahapon ng Department of Tourism (DOT) na darating sa Pilipinas bukas, Disyembre 6, si Miss Universe 2017 Demi-Leigh Nel-Peters kasama si Miss Universe 2016 Iris Mittenaere at and iba pang beauty queen na lumahok sa katatapos na beauty pageant.

dEMI copy

Ayon kay Tourism Secretary Wanda Teo, bukod kina Nel-Peters at Mittenaere, bibisita rin sa Pilipinas sina Miss Italy, Miss Netherlands, Miss Canada, Miss Great Britain, Miss Russia, Miss Singapore, Miss India, Miss China, Miss Thailand, Miss Malaysia, Miss Korea, at Miss USA.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Nabatid na mismong ang Miss Universe Organization ang humiling kay Nel-Peters at sa iba pang kandidata na bisitahin ang ‘most scenic spots’ sa Pilipinas sa loob ng apat na araw.

Sinabi pa ni Teo na bahagi rin ito ng kanilang “bring home a friend project” at pagpu-promote ng bansa.

“‘Di ba we wanted everybody to be Philippine ambassadors so they could be part of that, they could ask their friends to come to the Philippines because Philippines is a nice country like a part of a promotion of the ‘bring home a friend’,” ani Teo sa isang pulong balitaan.

Ayon naman kina Undersecretaries Ricky Alegre at Kat de Castro, pagdating pa lamang ng beauty queens sa bansa ay agad silang magtutungo sa Rizal Park at Intramuros sa Maynila, at kinabuksan (Huwebes) naman naman ay dadalo sila sa charity ball sa Solaire Resort and Casino at sa Christmas party ng DOT.

Sa Biyernes ay hahatiin sa tatlo ang grupo para bisitahin ang Batanes, Bohol, at Camiguin.

Si Nel-Peters ay sa Batanes magtutungo kasama sina Miss USA, Miss India, Miss Singapore, at Miss Thailand, habang si Mittenaere naman ang mangunguna sa pagtungo sa Bohol kasama sina Miss Russia, Miss Netherlands, Miss South Korea, at Miss Canada.

Si Miss Universe Philippines Rachel Peters naman ang sasama sa kanyang mga kapwa kandidatang nagmula China, Italy, Great Britain, at Malaysia sa gagawing paglilibot sa Camiguin.

Nabatid na hindi naman makakasama sa tour si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach dahil nasa Estados Unidos pa ito.

Sa kanilang huling gabi sa bansa, itatampok sila sa Women of Significance Gala Night, na isang fashion show sa Hotel Sofitel at sa Disyembre 10 ay nakatakda na silang umuwi sa kani-kanilang bansa.

Kaugnay nito, masaya ring inihayag ni Teo na nais ng Miss Universe Organization na muling isagawa sa Pilipinas ang Miss Universe 2018.

Matatandaang dapat sana ay sa Pilipinas uli idaraos ang Miss Universe 2017, kahit pa dito rin ginanap ang Miss Universe 2016 ngunit hindi ito natuloy bilang pagbibigay-daan sa isinagawang magkasunod na ASEAN Summit sa bansa.

Para naman sa 2018 pageant, sinabi ni Teo na kailangan pa nila itong ihingi ng permiso mula kay Pangulong Rodrigo Duterte.