Ni: Rommel P. Tabbad at Light A. Nolasco
Nilinaw kahapon ng Department of Agriculture (DA) na walang outbreak ng bird flu virus sa bayan ng Cabiao sa Nueva Ecija.
Ito ay sa kabila ng pagpatay sa mahigit 42,000 manok sa isang poultry farm sa Cabiao nitong Nobyembre 21, matapos magpositibo sa H5N6 avian flu virus.
Nabatid na ang mga kinatay na manok ay nagmula sa isang poultry farm na nag-aalaga ng nasa 140,000 pa sa mga barangay ng San Fernando, Concepcion at San Vicente.
Tiniyak kahapon ng DA na walang dapat ipangamba ang publiko dahil “kontrolado” ng kagawaran ang sitwasyon.
Nagsasagawa na rin ng confirmatory test ang DA kaugnay ng usapin.
Patuloy din ang monitoring ng DA sa mga poultry farm bawat linggo at nag-iimbestiga rin kung paano nakahawa ang virus sa lugar.
Ipagbabawal na rin ang paglalabas ng mga manok sa naturang poultry farm sa loob ng tatlong taon.
Matatandaang ngayong taon ay nagpositibo sa bird flu virus ang ilang poultry farm sa mga bayan ng Jaen at San Isidro, at umabot sa halos 200,000 pugo at manok ang isinailalim sa culling operations.