Bukod sa nakaambang pagtataas ng pasahe, mas matagal na rin ang paghihintay ng mga pasahero ng app-based hailing service na Grab Philippines, dahil na rin sa pagtaas ng demand ng kanilang serbisyo ngayong Pasko.
“On the demand side, there will be a 30 percent growth but our supply remains the same because we stopped accepting drivers since August,” sabi ni Brian Cu, country head ng Grab Philippines.
Isinisi ni Cu sa matinding trapiko ang mas matagal na paghihintay ng mga pasahero.
Idinahilan din ni Cu ang limitadong supply ng driver sa ipatutupad nilang fare adjustment.
Hindi naman tinukoy ang aktuwal na halaga o porsiyento ng itataas sa pasahe ng Grab.
Kaugnay nito, nanawagan din ang Grab sa mga partner-driver nito na luwagan ang kanilang oras sa kalsada upang mapunan ang pagtaas ng demand sa mga ito ngayong Christmas season. - Rommel P. Tabbad