Ni FRANCIS T. WAKEFIELD

Apat na magkakaanak ang nasawi makaraang madaganan ng 10-wheeler truck ang sinasakyan nilang kotse sa Bago City, Negros Occidental nitong Huwebes ng hapon.

Kinilala ni Supt. Gilbert Gorero, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-6, ang tatlo sa mga nasawi na ang mag-asawang Runolo at Josephine Espinosa; at anak nilang si Christine Sarsia, pawang nasa hustong gulang, at taga-Uriarte Subdivision, La Carlota City.

Isa pang lalaking pasahero na hindi pa nakikilala ang nasawi sa aksidente.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Sinabi ni Gorero na batay sa inisyal na ulat, bandang 1:30 ng hapon nang mangyari ang aksidente sa Park Malipayun sa Barangay Atipuluan, Bago City, Negros Occidental.

Nabatid na tinatahak ng truck, na minamaneho ni Herman Mohametano, ng Sitio Pili, Bgy. Lag-asan, Bago City at kargado ng mga tubo, ang Bacolod City nang tumagilid ito at tuluyang dumagan sa kasabayang Hyundai Eon na minamaneho ni Runolo.

Dahil dito, napisak ang apat na lulan sa kotse, na pawang hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Inaresto naman si Mohametano at nakapiit na sa himpilan ng Bago City Police sa Negros Occidental.