Warriors, naisalba ang Lakers sa OT; Pelicans, nginata ng Wolves.

LOS ANGELES (AP) — Hirap makadale sa long range dulot ng iniindang injury sa kamay sa kabuuan ng laro, nakabutas si Stephen Curry ng magkasunod na three-pointer sa overtime para sandigan ang Golden State Warriors sa makapigil-hiningang 127-123 panalo kontra Los Angeles Lakers nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Golden State Warriors guard Stephen Curry, left, gets a hand on the ball next to Los Angeles Lakers guard Lonzo Ball during the second half of an NBA basketball game Wednesday, Nov. 29, 2017, in Los Angeles. The Warriors won 127-123 in overtime. (AP Photo/Ringo H.W. Chiu)
Golden State Warriors guard Stephen Curry, left, gets a hand on the ball next to Los Angeles Lakers guard Lonzo Ball during the second half of an NBA basketball game Wednesday, Nov. 29, 2017, in Los Angeles. The Warriors won 127-123 in overtime. (AP Photo/Ringo H.W. Chiu)

Sa isa pang pagkakataon, nakaiwas ang Warriors na matikman ang magkasunod na kabiguan ngayong season.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Nanguna si Kevin Durant sa Golden State sa natipang 29 puntos, habang kumubra si Curry ng 28 puntos, tampok ang 13 sa extra period. Nag-ambag si Klay Thompson ng 20 puntos. Naitala ni Curry ang 1 for 7 sa three-pointer sa regulation.

Nagsalansan si Brandon Ingram ng career-high 32 puntos para sa Lakers, habang humugot sina Kentavious Caldwell-Pope at Jordan Clarkson ng tig-21 puntos at kumana si Julius Randle ng 20 puntos.

Nagmintis ang Los Angeles na maipanalo ang laro sa regulation nang sumablay ang driving shot ni Ingram sa buzzer.

Bago ito, narebound niya ang bola mula sa mintis na tira ni Durant may 5.3 segundo ang nalalabi.

Naghabol ang Lakers sa 10 puntos sa first quarter, ngunit matikas na nakabangon sa second period mula sa 71 percent shooting para agawin ang bentahe sa 54-50 sa halftime.

TIMBERWOLVES 120, PELICANS 102

Sa New Orleans, hataw si Andrew Wiggins sa naiskor na 28 puntos sa panalo ng Minnesota kontra New Orleans.

Napatalsik sa laro si Pelicans forward Anthony Davis – unang pagkakataon sa kanyang career – nang tawagan nang ikalawang technical foul kung saan abante lamang ang TimberWolves ng 45-43.

Nag-ambag sina Jimmy Butler at Gorgui Dieng ng tig-19 puntos para sa TimberWolves.

Sinamantala ng Minnesota ang pagkawala ni Davis para maibaba ang 17-6 run at hilahin ang bentahe sa 62-49 sa halftime.

Tumapos si Davis na may 17 puntos at limang rebounds, habang nanguna si Jrue Holiday sa New Orleans na may 27 puntos.

SIXERS 118, WIZARDS 113

Sa Philadelphia, hindi epektibo sa Washington Wizards ang istilong ‘hack-a-Shaq’ kay Sixers star Ben Simmons.

Nagtumpok si Simmons ng 31 puntos, career-high 18 rebounds para maisalba ng Philadelphia 76ers ang intensyunal na pag-foul ng Wizards sa kanilang prized rookie.

Matapos maibaba ang 22 puntos na bentahe sa single digits tungo sa huling limang minuto, sinimulan ng Wizards na kusang i-foul si Simmons na mayroon lamang 56.6 percent shooting sa line. Naitala niya ang 15 for 29, ngunit anim sa huling walong tira ang kanyang naibuslo. Ang 24 attempts ni Simmons sa fourth ay NBA record para sa isang quarter, ayon sa ESPN Stats & Info, at ang 29 overall ang pinakamarami para sa isang rookies.

“I have no fear of taking free throws,” pahayag ni Simmons.

Nanguna si Joel Embiid sa nakubrang 25 puntos at 14 rebounds, habang tumipa si Dario Saric ng 24 puntos para sa Sixers (12-8).

Tumipa sina Kelly Oubre Jr. ng 22 puntos at kumubra sina Bradley Beal at Jodie Meeks ng tig-21 puntos para sa Wizards (11-10).

“It’s not my rule, it’s an NBA rule,” depensa ni Wizards coach Scott Brooks sa isyu ng pag-foul ky Simmons. “

NETS 109, Mavs 104

Sa Dallas, ginapi ng Brooklyn Nets, sa pangunguna ni Demarre Carroll na kumana ng 22 puntos, ang Mavericks.

“We looked lackadaisical,” sambit ni Carroll. “Nobody was being aggressive, so I just decided to be aggressive.”

Nagsalansan si Carroll ng 22 puntos, mula sa three-pointers at kumana ng 5 of 6 sa floor.

Nag-ambag sina Trevor Booker na may 16 puntos at 10 rebounds, Spencer Dinwidde na may 19 puntos at Caris Levert na may tatlong three-pointer para sa Nets.

Nanguna sa Dallas si Harrison Barnes na may 17 puntos at kumubra si Maxi Kleber ng career-high 16 puntos.

Sa iba pang laro, hataw si James Harden sa naiskor na 29 puntos at 10 assists sa panalo ng Houston Rockets kontra Indiana Pacers 118-97; tumipa si Kyle Lowry ng season-high 36 puntos para sandigan ang Toronto Raptors sa Charlotte Hornets, 126-113; humakot si Aaron Gordon ng 40 puntos at 15 rebounds sa121-108 panalo ng Orlando Magic kontra Oklahoma City Thunder; ginapi ng New York Knicks ang Miami Heat, 115-86; at dinomina ng Detroit Pistons ang Phoenix Suns, 131-107.