Nina CHARISSA M. LUCI-ATIENZA at BEN R. ROSARIO

Tumestigo kahapon si Supreme Court (SC) Associate Justice Teresita Leonardo-De Castro sa House Committee on Justice, sinabing hindi maaaring wala siyang gagawin habang rumurupok ang kapangyarihan ng Supreme Court at naisasantabi ang mga desisyon ng court en banc.

Sinabi ni De Castro sa panel na kinuwestiyon niya ang diumano’y unilateral issuance ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ng Administrative Order (AO) No. 175-2012, na bumubuhay sa Regional Court Administration Office-7 (RCAO-7) sa Cebu City.

“The Chief Justice cannot create an office. It is a legislative power. What she did, it appears she created a permanent office. Even it was created by the court, it was a pilot project, it is an ad-hoc body. It has no permanency,” aniya.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Ginunita niya na nagulat siya nang imbitahan sila ng opisina ni Sereno sa muling pagbubukas ng RCAO sa Region 7 noong 2012.

“We were not consulted and made to participate in that decision. This prompted me to look deeply into the matter and found out that the Chief Justice issued AO 175-2012 designating the head for Judiciary Decentralization Office (JDO) in the Seventh Judicial Region. This is not meant to implement the RCAO as approved by the court en banc unanimously,” ani De Castro, na kasapi ng Supreme Court simula 2007.

Sinabi niya na ipinatupad ni Sereno ang AO nang wala ang kinakailangang pagsang-ayon ng en banc.

Binanggit din ni De Castro ang paglikha ni Sereno ng Judiciary Decentralized Office at pagtalaga kay Judge Geraldine Econg bilang pinuno ng opisina na taliwas at inconsistent sa desisyon ng 2006 en banc na nagtatalaga ng Court Administrator bilang implementor ng RCAO pilot project.

“She cannot do it by herself because she has only one vote,” dagdag niya.

Nang tanungin ni Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas kung ang paglabas ni Sereno ng AO-175 ay paglabag sa Konstitusyon at sa batas, tumangging sumagot si De Castro.

Sinabi ni De Castro na naglabas ang court en banc ng bagong resolusyon na bumabaligtad sa resolusyon ni Sereno.

Sa pagdinig, pinuna ni Siquijor Rep. Rav Rocamora na kung mayroong intensiyon si Sereno na pekein ang resolusyon, bakit pa nito isinapubliko ang paglulunsad ng RCAO. “If this is falsification (of the resolution), why was it made open? In fact, a launching was made.”

Tinanong din ni Rocamora si De Castro kung ano ang naramdaman nito sa pagtalaga kay Sereno bilang Chief Justice ni dating President Benigno Aquino III.

Kabilang si De Castro sa shortlist para maging kapalit ng namayapang si Chief Justice Renato Corona.

“Matagal na po akong justice. Dalawampung taon na po. Wala pong karapatan ang isang tao na maging justice kung affected ang emotion. Kung ganyan ako na puro emotion dapat umalis ako sa SC,” aniya.

Hiniling ni House justice panel chairman Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali kay Rocamora na umiwas sa pagtatanong ng misleading questions, ipinaliwanag na ang isyu ay hindi tungkol kay De Castro, kundi sa kakayahan ni Sereno na patuloy na magsilbi bilang Chief Justice ng bansa.

“I cannot stand idly by when the power of the Supreme Court is being undermined and when the decision we reached collectively are being set aside or changed? I should speak up. What kind of SC justice am I if I don’t?,” giit ni De Castro.

Sa pagdinig, sinabi nina Deputy Speaker at Cebu Rep. Gwendolyn Garcia at Leyte Rep. Vicente Veloso na talagang nakagawa ng culpable violation of the Constitution si Sereno nang sinadya nitong palsipikahin ang resolusyon noong 2012 na bumubuhay sa RCAO 7 ayon sa nakasaad sa verified impeachment complaint ni Atty. Larry Gadon.

Pinanindigan ng kampo ni Sereno na ang hakbang ng CJ para buhayin ang RCAO 7 ay hindi maituturing na impeachable offenses.

Kinumpirama rin ni De Castro ang mga alegasyon na nilabag ni Sereno ang procedures sa pagrebisa sa rekomendasyon para sa temporary restraining order sa isang petisyon na itinalaga kay De Castro.

Binanggit ni Gadon ang TRO na kabilang sa 27 impeachable acts na diumano’y nagawa ni Sereno.

Ikinatwiran ng kampo ni Sereno na mayroong awtoridad ang CJ na mag-isyu ng TRO nang walang rekomendasyon ng member-in-charge sa kaso.

Idinagdag ng mga abogado ng punong mahistrado na: “The Chief Justice could not be accused of falsifying anything. In the exercise of her own discretion and authority to issue TROs when the Court is in recess, the Chief Justice elected to issue a temporary restraining order under terms she considered just and proper.”