Ni AARON B. RECUENCO

Na-rescue ng mga tauhan ng Philippine National Police- Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang isang South Korean restaurateur makaraang maaresto ang apat na katao, tatlo sa mga ito ay South Korean din, sa magkahiwalay na operasyon sa Maynila, kabilang na sa parking lot ng Bureau of Immigration (BI) sa Intramuros.

Tinutugis na rin ngayon ng AKG ang apat na umano’y tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), isa sa kanila ay pinangalanang si Carlos Garcia, makaraang idawit sa krimen ng isa sa mga naarestong Korean.

Kinilala ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa ang nailigtas na si Lee Jung Dae, may-ari ng isang restaurant sa Pampanga, na dinukot mula sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Balibago sa Angeles City.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“They actually kidnapped four Koreans on November 24. Aside from Lee Jung Dae, they also took three of his Korean employees,” sinabi ni dela Rosa kahapon nang iprisinta niya ang apat na suspek sa press conference sa Camp Crame sa Quezon City.

Kinilala ni dela Rosa ang tatlong iba pang dinukot na sina Kim Dae Hyun, Jung Ju Wan, at Kim Woo Min. Tinangay ang tatlo ilang oras makaraang dukutin si Lee.

Sinabi ni AKG Director Senior Supt. Glenn Dumlao na nanghingi ang mga suspek ng P1.2 milyon para sa ligtas na pagpapalaya sa mga biktima.

Dinala ng nobya ni Lee ang pera sa Marquee Mall sa Angeles City, subalit ang tatlong empleyado lang ng negosyante ang pinalaya.

“Mr. Lee was not released and was transported to Intramuros, Manila for another P1.2 million ransom demand,” sabi ni Dumlao.

Gayunman, nakakuha ng impormasyon ang PNP-AKG tungkol sa kaso at ikinasa ang operasyon hanggang sa madakip ang kambal na sina Cha Jae Young at Cha Jae Sun, at ang kasabaw nilang Pinoy na si Raymond Flores.

Ang ikaapat na suspek, si Kim Min Kwan, alyas “Michael Lim”, ay naaresto malapit sa kanyang condominium unit sa Ermita.

MODUS

Batay sa imbestigasyon, naghahanap ang grupo ng mga suspek ng mabibiktima gamit ang mga South Korean.

“It was the twin brothers who conducted the casing and surveillance on Lee who owns and operates a restaurant in Angeles City,” sabi ni Dumlao.

Kapag may target na, kakausapin na ni Michael Lim ang kanyang mga contact sa BI upang makapaglabas ng dokumento na nagpapahintulot sa mga operasyon laban sa mga illegal alien.

“The BI personnel will prepare an unofficial Mission Order listing all the would-be targets. This MO will be shown to the unsuspecting Korean nationals who would be forcibly dragged into the waiting motor vehicle,” ani dela Rosa.

BI AT NBI

Nag-iimbestiga na ngayon ang pulisya upang matukoy ang iba pang miyembro ng grupo, kabilang na ang mga sinasabing kawani ng BI at NBI.

Habang iniimbestigahan, nabanggit ni Michael Lim ang pangalan ni Carlos Garcia, alyas “Oxo”, na isa umanong NBI agent sa Angeles City.

“The Koreans had linked up with Carlos Garcia at PAGCOR in Angeles City. With him were three alleged NBI agents on board a white sedan. Accordingly, there were three alleged NBI agents believed to be assigned at the NBI Regional Office in Angeles City,” ani dela Rosa. “Two alleged BI agents are also involved in this operation. They are now the subject of the investigation of the AKG.”

JEE ICK JOO

Binanggit din ni dela Rosa na ang nasabing kaso ay malaki ang pagkakatulad sa kidnap-slay sa Korean din na si Jee Ick Joo, na dinukot ng mga pulis sa Angeles noong Oktubre 2016 bago dinala sa Camp Crame upang doon patayin, kahit pa nagbayad ng ransom ang pamilya ng dayuhan.