Ni: Ric Valmonte
NANG binulaga ang taumbayan ng nakumpiskang P6.4-billion shabu sa isang warehouse sa Valenzuela, kumilos kaagad ang ating mga mambabatas sa Mababa at Mataas ng Kapulungan ng Kongreso.
Nagsagawa ang House Committee on Public Order and Illegal Drugs at Senate Blue Ribbon Committee ng parallel investigation upang alamin kung paano nakalusot ang napakalaking halaga ng shabu sa Bureau of Customs (BoC). Nang matapos ang imbestigasyon ng dalawang komite, iisa ang kanilang rekomendasyon. Bukod sa mga pribadong taong responsable sa shipment at may-ari at nangangalaga sa warehouse kung saan natunton ang droga, inirekomenda ng mga ito na sampahan ng kaso sina dating BoC Commissioner Nicanor Faeldon, Milo Maestrecampo, Gerardo Gambala at Neil Estrella.
Totoong idinemanda ang mga ito, pero kamakailan, iniakyat sa korte ng Department of Justice (DoJ) ang kaso laban sa mga pribadong indibiduwal at ibinasura naman iyong laban sa mga dating BoC officials.
Bago lumabas ang resolusyon ng DoJ, hinirang na ni Pangulong Duterte sina Maestrecampo at Gambala sa Department of Transportation. Eh si Maestrecampo, ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon, ay sangkot sa pagpasok ng shabu. Hinayaan nito, aniya, na ang shipment ay magdaan sa green lane kung saan hindi na kailangang busisiin pa ng BoC. “Batay sa mga naganap na pandinig,” sabi ni Gordon, “ipinakita ng ebidensiya na si Maestrecampo ang tumulong upang makapasok ang shipment ng droga nang walang sagabal sa pamamagitan ng green lane.”
Nasuklam ang mga senador sa naging desisyon ng DoJ na idinismis ang drug charges laban sa mga dating BoC officials.
“Imposible na ang drug shipment ay makarating sa Valenzuela nang walang partisipasyon at pakikipasabwatan ang mga sangkot na opisyal ng BoC,” sabi ni Sen. Panfilo Lacson, na aktibong nakilahok sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.
“Paanong nangyari kung iyon ay 600 kilo ng shabu. Mahirap paniwalaan na walang kooperasyon ang mga nasa loob,” wika naman ni Senate President Aquilino Pimentel III. “Ang tanong ngayon ay, sino ang responsable sa pagpasok ng P6-billion shabu, ang security guard sa Customs? Mr. Duterte, niloloko mo ang taumbayan,” sabi ni Sen. Antonio Trillanes IV.
Kung atin pang natatandaan, sa nangyaring pagdinig sa komite ni Sen. Gordon, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan niya at ni Sen. Trillanes. Iginiit noon ni Trillanes na ipatawag ng komite ang anak ng Pangulo na si Paolo at ang manugang nito na si Atty. Mans Carpio.
Dahil tinutulan ito ni Sen. Gordon, nasabi tuloy ni Trillanes, na ang kanyang komite ay “comite’d absuelto.” Pero, para pagbigyan, aniya, ang kahilingan ni Trillanes, inimbitahan din niya sina Paolo at Atty. Carpio. Sa sumunod na pagdinig, ... nang pagkakataon na ni Trillanes ang magtanong, tinanong niya si Paolo kung mayroon itong tattoo.
Inamin naman ito ng bise alkalde ng Davao City. Nang hamunin ni Trillanes na ipakita niya ito kahit sa pribadong lugar upang makuhanan ng larawan, tumanggi si Paolo.
Nais daw ni Trillanes na makuhanan ng larawan ang tattoo dahil ipaeeksamin niya raw ito sa Estados Unidos upang malaman kung anong baitang na ang kasapian ni Paolo sa Triad na kilalang sindikato sa droga.
Nang isampa ng PDEA sa DoJ ang drug charge laban kay Faeldon at sa mga kapwa opisyal ng BoC, hiniling niya sa DoJ na bitiwan ito dahil wala raw itong jurisdiction. Dapat, aniya, ay inihain ito sa Ombudsman. Tinanggihan ng DoJ ang kanyang kahilingan.
Istilong budol-budol ang naganap sa isyung ito na ang taumbayan ang biktima