Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa kritikal na kondisyon ang isang rider habang sugatan ang dalawa niyang angkas nang bumangga ang kanilang scooter sa Uber car na huminto sa isang stop light sa Port Area, Maynila kahapon.

Patuloy na inoobserbahan sa Philippine General Hospital (PGH) ang driver ng motorsiklo na si Paul Villarez, 28, ng Punta Street, Sta. Ana, Maynila. Siya nagtamo ng fracture sa ulo at bali sa kaliwang binti makaraang humampas sa salamin ng binanggang sasakyan.

Nagtamo naman ng sugat at galos sa noo, kamay at paa ang kanyang live-in na si Ma. Teresa Ariabot, 29; at kamag-anak na si Ma. Jenica Mesa, 26, kapwa ng Punta Street.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District (MPD)- Traffic Bureau, naganap ang aksidente sa P. Burgos St., kanto ng 25th St., sa Port Area, pasado 8:00 ng umaga.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sa pahayag ni Mer Layson, reporter ng Pilipino Star Ngayon (PSN), binabagtas niya ang P. Burgos St., nang makitang sumignal ng stop ang traffic light sa kanto ng 25th St., kaya huminto ang nauna sa kanyang pulang Hyundai Accent (MP-7492) na minamaneho ni Roberto Solibio.

Nagulat na lang umano si Layson nang hindi huminto ang kasunod niyang scooter na kinalululanan ng mga biktima kaya bumangga sa likurang bahagi ng sasakyan ni Solibio.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumama ang ulo ni Villarez sa salamin ng kotse, na nabasag, bago bumagsak at tumama ang ulo sa sementadong kalsada.

Tumilapon naman sina Ariabot at Mesa na kapwa dumaraing ng pananakit ng katawan, ulo, at dibdib.

Ayon kay Solibio, Uber driver, may pasahero siya na nagpapahatid sa Intramuros, ngunit nagulat na lamang nang may bumangga sa likuran ng kanyang sasakyan.

Kasalukuyang gumugulong ang imbestigasyon sa insidente. - Mary Ann Santiago