Isang malalim na saksak sa dibdib ang ikinamatay ng isang binatilyo matapos tarakan ng isang pulubi na tinanggihang limusan sa San Andres Bukid, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Nalagutan ng hininga si Gemuel Rebugio, 15, out-of-school youth, at residente ng 2515 Radium Compound, sa San Andres Bukid.

Mabilis namang tumakas ang ‘di pa nakikilalang suspek, na inilarawang nasa edad 45, may taas na 5’4”, kalbo at nakasuot ng puting t-shirt, brown na cargo short pants at tsinelas.

Sa imbestigasyon ni SPO4 Glenzor Vallejo, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), naganap ang pananaksak sa loob ng isang pampasaherong jeep (PFZ-206), na nakaparada sa tapat ng Building 3 ng Safari Condominium sa Osmeña Highway sa San Andres Bukid, dakong 1:50 ng madaling araw.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Lumilitaw na namamahinga ang biktima at ang kanyang mga kaibigan sa loob ng jeep, maya-maya ay nakatulog si Rebugio sa unahang upuan ng sasakyan na nasa tabi ng driver’s seat.

Ayon sa isa sa mga saksi na si William Shayne Maxilom, sa kasarapan ng kanilang kuwentuhan ay nilapitan sila ng suspek at nanghihingi ng limos ngunit hindi nila ito binigyan.

Makalipas ang ilang sandali ay muli umanong bumalik ang suspek at sa pagkakataong ito ay tumabi sa magkakaibigan sa loob ng jeep at sinabing gusto nitong matulog doon.

Pinakitaan pa umano sila ng suspek ng isang kutsilyo at pinagbantaan, kaya nagpasya ang grupo na lumipat na lamang ng upuan.

Maya-maya ay nagkayayaan ang magkakaibigan na bumili ng softdrinks at iniwan si Rebugio, na noon ay natutulog pa rin sa jeep.

Nagulat na lamang umano ang magkakaibigan nang lapitan sila ng isang babaeng humahangos at sinabing sinaksak ng suspek si Rebugio. - Mary Ann Santiago