Ni: Mary Ann Santiago

Malapit nang magamit ng mga motorista ang itinatayong South West Integrated Transport Exchange (SWITEx) mega at common terminal para sa mga pampasaherong bus, jeep at UV Express na inaasahang makatutulong upang mapaluwag ang trapiko sa Metro Manila.

Sa pagtaya ng Department of Transportation (DOTr) at Megawide Construction Corporation, maaari nang buksan sa mga motorista ang SWITEx sa Abril 2018.

Sa ngayon ay patuloy ang konstruksiyon ng pasilidad na magsisilbing common terminal ng mga bumibiyaheng pampasaherong bus, UV Express at jeep sa Metro Manila.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kahapon ay ipinakita sa mga mamamahayag ang estado ng itinatayong terminal, na nasa sa apat na ektaryang reclaimed land sa Barangay Tambo, Parañaque City.

Nasa P3 bilyon ang halaga ng proyekto na layong maibsan ang pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila at magsama-sama na lamang ang mga bus, jeep at UV Express sa iisang terminal.

Ayon kay Megawide President Manuel Louie Ferrer, sa pamamagitan nito ay mabibigyan ng mabilis na access sa iba’t ibang uri ng transportasyon ang mga pasahero na patungo sa mga lalawigan sa katimugan.

Tulad ng airport, ang pasilidad ng SWITEx ay magkakaroon ng passenger terminal buildings, loading at unloading bays, staging bays, ticketing, baggage handling facilities at park-ride facilities.

Mayroon din itong air-conditioned lounges at waiting areas para sa mga pasahero, retail stores at food centers.

Inaasahang makikinabang sa proyekto ang umaabot sa 100,000 pasahero araw-araw.