Ni ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN

Iba’t ibang kaso ang nakatakdang isampa laban sa isang negosyante na nambangga ng mga sasakyan na kanyang nakasalubong sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City, nitong Martes ng gabi.

Kinilala ni Police Superintendent Rossel Cejas, hepe ng Batasan Police Station (PS-6), ang lalaki na si Niño San Gabriel, 39, contractor, ng Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Napag-alaman na minamaneho ni San Gabriel ang puti niyang Nissan Patrol (NOY330) sa Commonwealth Avenue at pauwi na, dakong 9:30 ng gabi.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Ayon sa isa sa mga nagreklamo, si Benjamin Dela Cruz, Jr., 44, UV Express driver, binabaybay niya rin ang Commonwealth Avenue. At pagsapit sa Diliman Preparatory School, binangga siya ng sasakyan ni San Gabriel at humarurot.

Hinabol niya si San Gabriel, na sinasabing lasing, at nag-overtake at hinarang ang sasakyan nito upang kumprontahin.

Gayunman, sa halip na bumaba sa sasakyan, muling binangga ni San Gabriel ang UV Express van nang paulit-ulit at tumakas.

Napansin ng mga police officer at ng isa pang complainant, si Richard Venturina, na sakay sa kanyang motorsiklo, ang pagtatalo at sinubukang pigilan ang suspek.

Binangga rin ni San Gabriel ang motorsiklo ni Venturina at muling humarurot dahilan upang habulin siya ng awtoridad.

Ang ikatlong complainant, si Gaius Oliver, 25, ay tumulong sa paghabol sa suspek ngunit binangga rin ni San Gabriel ang kanyang sasakyan.

Dito na binaril ng mga pulis ang gulong ng sasakyan ni San Gabriel. Nagtapos ang habulan sa Holy Spirit Street.

Binasag ng awtoridad ang bintana ng sasakyan ng suspek dahil tumanggi itong lumabas. Dalawang baril ang nakuha mula sa suspek.