Ni MARIVIC AWITAN

Pumaren at Sablan, nagbitiw bilang coach ng UE, UST sa UAAP.

PAREHONG nasadsad sa lusak, ngunit magkahiwalay na dahilan ang nagdala kina University of the East coach Derrick Pumaren at University of Santo Tomas mentor Rodil ‘Boy’ Sablan para mag-alsa balutan at lisanin ang kani-kanilang kampo sa UAAP.

UE head coach Derrick Pumaren during the UAAP Season 80 Round 2 match against NU at Smart Araneta Coliseum, October 14, 2017 (Rio Leonelle Deluvio)
UE head coach Derrick Pumaren during the UAAP Season 80 Round 2 match against NU at Smart Araneta Coliseum, October 14, 2017 (Rio Leonelle Deluvio)

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Nitong Miyerkules, pormal na ipinahayag ni Pumaren, panganay sa magkakapatid na Pumaren sa lokal basketball, ang pagbibitiw bilang coach ng Warriors sa kanyang social network account.

Hindi masyadong idinetalye ni Pumaren, alumni ng UE at dating PBA coach, ang dahilan nang kanyang pagbibitiw matapos ang tatlong season sa Recto-based team.

Sa kanyang pangangasiwa, tumapos ang Warriors sa 12-30, kabilang ang 3-11 para sa ikapitong puwesto sa double-round elimination sa Season 80 kung saan nabigo muli ang UE na makausad sa Final Four.

Ngunit, bukas na libro ang pagkadismaya ni Pumaren sa patuloy na pagbasura ng UE Board sa kanyang suhestyon na mag-recruit ng foreign players na siyang nagpapalakas sa mga collegiate team sa kasalukuyan.

Sa UAAP, tanging ang UE ang walang foreign players sa line-up.

“We still don’t have an import. I still have to see what kind of direction the UE management for the next season. I have to think about it,” pahayag ni Pumaren sa huling panayam ng media sa pagtatapos ng elimination ng UAAP men’s basketball.

Naging sandigan ni Pumaren sa Warriors si Alvin Pasaol na nakapagtala ng scoring record ngayong season nang tumipa ng 49 puntos sa kabiguan kontra La Salle.

“I need horses, too,” aniya.

Nauna rito, tuluyang bumigay sa negatibong birada ng mga ‘bashers’ si Sablan bunsod nang pagsadsad ng UST Tigers sa nakalipas na seasons, tampok ang pagiging kulelat ngayong taon.

Nakaiwas ang Tigers sa pagkabokya nang magwagi – sa hindi sinasadyang pagkakataon – laban sa UE Red Warriors, 88-85, sa pagtatapos ng elimination round nitong Nobyembre 12.

Nanguna sa laban ng Tigers ang Nigerian na si Steve Akomo na kumubra ng 13 puntso at 10 rebound.

Pormal na nagbitiw sa puwesto si Sablan nitong Lunes matapos ang dalawang season sa koponan.

Kasama niyang nag-alsa balutan sa UST ang coaching staff na binubuo nina dating PBA star Gerry Esplana, Bobby Jose, Tylon Darjuan, Juben Ledesma, at Gina Francisco.