Nina BETH CAMIA, BEN R. ROSARIO at BERT DE GUZMAN

Hindi haharap si Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa unang pagdinig ng Kamara para tukuyin kung mayroong probable cause o sapat na batayan ang inihaing impeachment complaint laban sa kanya.

Nagsumite si Sereno ng liham kalakip ang Special Power of Attorney (SPA) sa House Committee on Justice para igiit ang kanyang “right to counsel” at payagan ang kanyang mga abogado na ma-cross examine ang mga testigong ihaharap ng complainant na si Atty. Larry Gadon.

Nakasaad sa liham ni Sereno na hindi na niya kailangang dumalo sa pagdinig dahil naipaliwanag na niya ang kanyang panig sa isinumiteng sagot sa reklamo ni Gadon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nagtalaga si Sereno ng 11 abogado na kakatawan sa kanya sa pagdinig. Kabilang dito sina Atty. Alexander Poblador, Dino Vivencio Tamayo, Anzen Dy, Justin Christopher Mendoza, Carla Pingul, Sandra Mae Magalang, Jayson Aguilar, Oswald Imbat, Enrico Edmundo Castelo II, Charles Richard Avila Jr., at Patricia Geraldez.

PUWEDE LAHAT

Samantala, tiniyak kahapon ni Speaker Pantaleon Alvarez na pahihintlutan niya ang mga abogado ni Sereno na tanungin ang mga saksi sa impeachment case laban sa CJ.

Sa panayam ng mga mamamahayag na sina Winnie Monsod at Rea Santos, sinabi ni Alvarez na igagalang nila ang right to counsel at right to cross examination ni Sereno basta’t personal itong humarap sa proceedings ngayong araw.

“Ang stand ng house ay pumunta po si CJ Sereno doon. Ngayon, kung ayaw niyang magsalita, papayagan namin ang mga abogado niya magsalita,” ani Alvarez.

Nang tanungin kung papayagan o hindi ang mga abogado ni Sereno na mag-cross examine, sinabi ng lider ng Kamara na pahihintulutan ito.

“Pupuwede po lahat basta dumalo lamang siya doon” ani Alvarez.

Inimbitahan ng justice committee si Sereno na personal na depensahan ang kanyang sarili sa pagsisimula ng pagtalakay ng panel sa mga ebidensiya at pagtatanong sa mga saksi laban sa CJ.

Bilang tugon sa imbitasyon ng komite kay Sereno, sinabi ng defense panel na ipinahayag na ng CJ ang kanyang panig “in detail and under oath.”

“The burden of proof in this proceeding is on the complaint, and not on the Chief Justice,” punto nila.

TULOY ANG TRABAHO

Kaugnay nito, tiniyak ng mga lider ng Kamara na hindi isasantabi ng mga mambabatas ang iba nilang trabaho dahil lamang sa impeachment ni Sereno.

Sinabi nina House Deputy Speakers Gwendolyn Garcia at Sharon Garin na patuloy na kikilos ang ibang komite para maipasa ang mahahalagang panukalang batas habang nakatutok ang Committee on Justice sa impeachment ni Sereno.

“We have 56 standing committees that are very active. In fact, despite having finished the (2018) budget early which was time-consuming, we also have finished the tax reform (bill) here in the House at the same time. So even if we have the impeachment (proceedings), it does not mean everything stops,” giit nina Garcia at Garin.