Iginiit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na wala nang espasyo para sa isa pang motorcycle lane sa EDSA, sa harap na rin ng mga panawagan ng mga grupo ng nagmomotorsiklo na magtalaga ang ahensiya ng lane na eksklusibo lang sa kanila.

“We are maximizing the use of the lanes along EDSA, which only have four lanes,” sabi ni Jojo Garcia, assistant general manager for planning ng MMDA.

Itinalaga ng ahensiya ang ikaapat, o nakadikit sa pader ng Metro Rail Transit (MRT)-3 bilang motorcycle lane sa EDSA, mula sa Monumento sa Caloocan City hanggang sa SM Mall of Asia sa Pasay City, at vice versa.

Ang nasabing lane ay “non-exclusive”, o maaari ring gamitin ng mga pribadong sasakyan.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Simula ngayong Miyerkules, istriktong ipatutupad ng mga traffic enforcer ang paggamit ng motorcycle lane at pagsusuot ng tamang protective gear upang maiwasan ang mga aksidente sa EDSA. Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng P500.

Ayon kay Garcia, kailangang ipatupad ang motorcycle lane upang isulong ang mas maayos na daloy na trapiko sa mga pangunahing kalsada at maiwasan ang mga aksidenteng karaniwang kinasasangkutan ng mga motorsiklo, na karaniwang nauuwi sa kamatayan.

Alinsunod sa Administrative Order No. AHS-2008-015 ng Land Transportation Office (LTO), na nagtatakda ng mga panuntunan sa paggamit at operasyon ng mga motorsiklo sa mga highway, ang kawalan ng helmet ay may katumbas na multang P1,500.

Bukod dito, ang motorcycle rider na mahuhuling nakasuot ng tsinelas, sandals, o walang sapin sa paa ay pagmumultahin ng P500, P700, at P1,000 at babawian ng lisensiya sa una, ikalawa, at ikatlong paglabag, ayon sa pagkakasunod. - Anna Liza Villas-Alavaren

at Bella Gamotea