Ni ROMMEL P. TABBAD

Nasa balag na alanganin ngayon si dating Transportation Secretary Jun Abaya at 14 na iba pa matapos silang kasuhan kahapon ng graft sa Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y pinasok nilang maanomalyang P3.8-bilyon maintenance contract para sa Metro Rail Transit (MRT)-3.

Bukod kay Abaya, kinasuhan din ng paglabag sa Section 3 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) at paglabag sa Section 10 ng Government Procurement Reform Act (RA 9184) sina dating MRT General Manager Roman Buenafe, dating Undersecretary Rene Limcaoco; Catherine Gonzales, Edwin Lopez, Ofelia Astrera, Charissa Eloisa Opulencia, Oscar Bongon, Jose Rodante Sabayle, Maria Cecilia Natividad, Eldonn Uy, Elizabeth Velasco, Belinda Ong Tan, Brian Velasco, at Chae Gue Shim.

Ang kaso ay inihain nina Bagong Alyansang Makabayan Secretary General Renato Reyes Jr., Bayan Muna Chairperson Atty. Neri Colmenares; Angelo Suarez, Donna Miranda, at James Relativo, pawang miyembro ng TREN; at Feny Cosico, AGHAM secretary general.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Isinampa ang mga kaso kaugnay ng araw-araw na aberya sa MRT-3, kabilang ang pagkakaputol ng braso ng isang 24-anyos na pasahero at pagkalas ng bagon noong nakaraang linggo.

Una nang kinasuhan ng graft si Abaya noong Mayo, ng mga anti-corruption group, dahil sa pinasok na kontrata sa mga bagon na hindi magamit ng MRT.

Kinasuhan din siya at 20 iba pa ng Department of Transportation (DOTr) noong nakaraang buwan dahil sa umano’y maanomalyang kontrata sa maintenance provider na Busan Universal Rails, Inc. (BURI).

Matatandaang pinawalang-bisa ng DOTr kamakailan ang nasabing kontrata ng MRT sa BURI.