Ipagpapatuloy ngayong Lunes, Nobyembre 20, ang operasyon ng point-to-point (P2P) bus service, isang alternatibong transportasyon para sa mga pasahero ng lagi nang tumitirik na Metro Rail Transit (MRT)-3, matapos itong suspendihin ng isang linggo dahil sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sinabi ni Jojo Garcia, MMDA assistant general manager for planning, na apat na bus ng MMDA ang magkakaloob ng libreng sakay sa mga pasaherong maagang pipila sa North Avenue Station sa Quezon City.

Ibababa ng mga bus ang mga pasahero sa Ortigas Station sa Pasig City, at sa Ayala Station sa Makati, at eeskortan ng mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG).

Para sa mga P2P bus, idineklara ng MMDA ang istriktong pagpapatupad ng yellow lane policy sa EDSA simula ngayong linggo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang mga pribadong motorista na dadaan sa yellow lane ay huhulihin at pagmumultahin ng P500, habang ang mga pampasaherong sasakyan na wala sa yellow lane ay magmumulta ng 700.

Aminado naman si Bong Nebrija, MMDA operations supervisor, na hindi pa mararamdaman ang epekto ng serbisyo ng mga P2P bus, dahil nag-aalangan pa rin ang mga pasahero na sumakay dito sa takot na maipit sa trapiko.

“We are not competing with the fast service delivered by MRT but we are working on how to reduce the travel time to encourage more riders,” sabi ni Nebrija. - Anna Liza Villas-Alavaren