Ni: Mary Ann Santiago

Ipinauubaya ng Department of Education (DepEd) sa pamunuan ng mga paaralan ang desisyon kung magsasagawa ng mga make-up class dahil sa ilang araw na walang pasok dulot ng masamang panahon at pagdaraos ng ilang araw na 31st ASEAN Summit.

Sa early Christmas Thanksgiving Lunch ng DepEd para sa media, sinabi ni Secretary Leonor Briones na iba-iba kasi ang bilang ng araw na walang pasok sa bawat paaralan, lalo na kung nagsuspinde ng klase dahil sa malakas na ulan at iba pang kalamidad, o kaya ay special holiday sa kani-kanilang lugar.

Aniya, kung hindi pa naman nagamit o naubos ng mga ito ang inilaang buffer days ay maaaring hindi pa magsagawa ng mga make-up class.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Paliwanag naman ni Education Undersecretary Tonisito Umali, ngayong school year ay mayroong 195 class days ngunit dahil sa mga class suspension dulot ng bagyo, transport strikes, at ASEAN Summit ay mas marami silang araw na walang pasok.

Sa nasabing 195 days, aniya, 180 school days ang non-negotiable o kailangang pasukan ng mga estudyante habang ang natitira pang 15 araw ay buffer days, na inilalaan para sa mga holiday at iba pang class suspensions.

“’Yung policy naman po natin ay bagamat 195 class days po ito and we really wanted our children to be in school and learning should take place in all those 195 days, kapag nagkakaroon ng mga kanselasyon ng mga klase at nakikita po ng school principal and in coordination with the school’s division superintendent na bumababa na po ‘yung class days, ‘yung pagpasok ng mga bata to less than 180, kailangan na po talagang mag-make-up classes,” paliwanag ni Umali.