Nagsasagawa ng imbestigasyon at follow-up operation ang Makati City Police sa umano’y panggagahasa at tangkang pagpatay sa isang dalagita sa lungsod, iniulat ng Southern Police District (SPD) kahapon.

Patuloy na inoobserbahan ang kondisyon sa ospital ng biktima, na nagtamo ng maraming sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan at pagdurugo sa ari.

Sa naantalang ulat ng pulisya, dakong 6:00 ng umaga nitong Sabado nang nangyari ang panghahalay at tangkang pagpatay sa dalagita sa loob ng bahay nito sa Barangay Southside, Makati.

Sa pahayag ng ina ng biktima, nakatanggap siya ng tawag mula sa kanilang kasera na dinala ng kaibigang si Angelo Dela Cruz, 19, sa pagamutan ang kanyang anak, na natagpuang naliligo sa sariling dugo.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Ayon kay Dela Cruz, iniwan niya saglit ang dalagita subalit nang balikan niya ito makalipas ang 30 minuto ay duguan na ito sa kuwarto, kaya agad siyang humingi ng saklolo.

Kinumpirma naman ng doktor na sumuri sa dalagita na nagtamo ito ng multiple physical injuries at nagdurugo ang ari.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng salarin. - Bella Gamotea