Ipinagpaliban ng Department of Labor and Employment (DoLE) sa susunod na buwan ang pamamahagi ng bagong identification card (ID) para sa mga overseas Filipino worker (OFW).

Inihayag ni Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III na ang OFW ID o ang iDOLE card ay ilalabas sa Disyembre, at magsisilbing “symbolic” na maagang papasko para sa mga OFW, na magbabakasyon sa bansa.

“Our plan... is to give it to the OFWs once we meet them at the airport upon their arrival,” sinabi ni Bello sa press conference nitong Biyernes.

Sa isang biglaang panayam, sinabi ni Labor Undersecretary Ciriaco Lagunzad III na isinasapinal pa nila ang mga patakaran para sa implementasyon ng OFW ID.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“We may be able to released the guidelines by next week,” ani Lagunzad.

Aniya, sisimulan nila ang pagpi-print ng unang batch ng mga ID isa hanggang dalawang linggo matapos na mailabas ang mga palatuntunan.

Inilahad naman ni Labor Undersecretary Bernard Olalia na pinag-uusapan pa nila ang ilang isyu hinggil sa seguridad ng nilalaman ng ID, partikular ang paglalagay ng biometrics data ng may-ari gaya ng fingerprint.

“We have to address this otherwise there might fake ID. This is what we are trying to prevent,” ani Olalia, at inamin na isinasapinal pa rin ng kagawaran ang pondo sa printing ng mga ID. - Samuel P. Medenilla