Sa likod ng rehas ang bagsak ng isang umano’y lasing na protection agent makaraang maghamon ng away at magpaputok pa ng baril sa Muntinlupa City, nitong Sabado ng gabi.
Nahaharap sa kasong grave threat, alarm and scandal, illegal possession of firearms at paglabag sa ASEAN Summit gun ban si Isagani Jesalva y Pareja, 39, may asawa, protection agent, ng Montillano Street, Barangay Alabang, Muntinlupa.
Si Jesalva ay inireklamo nina Jefferson Alcozar y Bueza, 25, binata, delivery crew, ng Bgy. Poblacion; at Kristofferson Pastolero y Bunyi, 31, binata, service crew, ng Bgy. Alabang, Muntinlupa.
Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), dakong 11:00 ng gabi at masayang nakikipagkuwentuhan sina Alcozar at Pastolero sa kanilang mga kaibigan sa Fabian Compound sa Bgy. Alabang nang dumating ang suspek na sakay ng motorsiklo.
Bumaba umano si Jesalva sa kanyang motorsiklo, nagsisigaw at naghamon ng suntukan pero hindi siya pinansin ng mga biktima hanggang sa magpasya ang dalawa na umalis na lang.
Dito na umano biglang bumunot ng baril ang suspek at walang habas na nagpaputok, kaya napatakbo ang mga biktima ay kanilang mga kaibigan patungo sa presinto upang i-report ang insidente.
Agad rumesponde ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) at Mobile Patrol Team ng Police Community Precinct (PCP)-3 at inaresto si Jesalva na nakumpiskahan ng isang .9mm Norinco pistol at isang magazine nito na may pitong bala. - Bella Gamotea