Ni ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN

Kasalukuyang tinutugis ng awtoridad ang kapwa nila police officer bilang isa sa mga suspek sa robbery hold-up incident, na nauwi sa engkuwentro at ikinasugat ng dalawang katao sa Quezon City nitong Biyernes ng gabi, matapos takasan ang mga pulis.

Kinilala ni Police Supt. Louise Benjie Tremor, hepe ng Cubao Police Station, ang pulis na si PO2 Juanito Sanchez, na nagpakilalang opisyal na nakatalaga sa Manila Police District (MPD).

Bago ang insidente, sinabi ni Rowena Macachor, 46, na naglalakad siya at ang kanyang apo sa kahabaan ng EDSA corner Liberty Avenue sa Barangay Bagong Lipunan ng Crame, dakong 9:45 ng gabi.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Habang naglalakad, nilapitan sila ng isang lalaki na nakasuot ng helmet at sinubukang tangayin ang kanyang bag.

Pumiglas si Macachor at hindi ibinigay ang bag dahilan upang kumuha ang lalaki ng caliber .9mm handgun at apat na beses siyang binaril.

Sa kabutihang palad, isang bala lamang ang tumama kay Macachor at ito ay sa kaliwang kamay.

Inilarawan ang lalaki na nakasuot ng itim na t-shirt at camouflage short pants at sumakay sa motorsiklo na minaneho ng kanyang kasabwat na nakasuot din ng helmet at itim na jacket at short pants.

Agad rumesponde ang mga pulis na malapit sa pinangyarihan at nakipagbarilan sa dalawa habang tumatakas patungong EDSA.

Samantala, sa gitna ng engkuwentro, isang tindero ng balut na si Reyco Bernardo, 33, at tinamaan ng bala sa kanyang puwit.

Agad isinugod sa PNP General Hospital ang dalawang sugatan at patuloy na nagpapagaling.

Sa follow-up investigation ng mga operatiba ng PS-7, bini-verify nila ang isang motorsiklo at kotse na nakaparada sa madilim na bahagi ng Santolan Road, malapit sa panulukan ng 2nd avenue.

Nang lapitan ng awtoridad ang lalaki na sakay sa motorsiklo, nagpagkilala ito bilang PO2 Sanchez, isang police officer sa MPD.

Ipinakita ni Sanchez ang kanyang PNP identification card at isinuko ang kanyang caliber .9mm pistol.

Gayunman, habang sinisiyasat ng mga pulis ang kanyang armas, agad sumakay si Sanchez sa kanyang motorsiklo at tumakas.