Ni: Bella Gamotea at Jun Fabon

Mga reklamo at batikos ang tinanggap ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) mula sa mga pasahero sa isinagawang dry-run ng point-to-point (P2) bus service sa Metro Rail Transit (MRT)-3 kahapon.

Nairita at nagmaktol ang ilang pasahero dahil tumagal ng isang oras at 15 minuto ang biyahe sa EDSA kahit pa may escort mula sa motorcycle-riding enforcers ng Land Transportation Office (LTO) at mobile cars, i-dineploy na apat na bus mula sa MRT-3 North Avenue station hanggang Ayala station, sa Makati City.

Ayon kay Jojo Garcia, MMDA assistant general manager for operations, nasa 166 na pasahero ang naisakay sa apat na bus na alternatibong transportasyon para sa mga tumatangkilik sa MRT.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa kabila nito, pinagkalooban ni Garcia ng 7-8 rating, mula sa 1-10, ang dry run.

Samantala, nakita ng MMDA ang paggamit ng mga pribadong sasakyan sa yellow lanes sa EDSA na nakalaan para sa mga public utility vehicle (PUV).

Dahil dito, tiniyak ng MMDA na ipatutupad ang yellow lanes scheme sa EDSA at binalaang huhulihin at titiketan ang mga pribadong motorista na gagamit sa naturang lane.

Ngayong Biyernes, Nobyembre 10, ipakakalat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 20 karagdagang bus, na tinawag na “Alalay sa MRT”, at posibleng gawing P20-P24 ang pasahe.