Ni Mary Ann Santiago

Kumbinsido si Fr. Teresito “Chito” Suganob na may dahilan ang Panginoon kung bakit hinayaan nitong mabihag siya ng Maute-ISIS nang 116 na araw nang salakayin ng mga ito ang Marawi City noong Mayo 23, 2017.

Ayon kay Suganob, ang kanyang naranasan sa pagkakabihag ay kuwento ng pananampalataya at buhay, dahil para sa kanya, ito ay espesyal na pagtawag ng Panginoon sa kanya.

Kuwento ng pari, sa gitna ng araw-araw na airstrikes, pambobomba at engkuwentro ay patuloy lamang siyang nanalangin at ipinaubaya na lang niya sa Diyos ang kanyang buhay.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“It is a story of faith. Kuwento talaga ng buhay at pananampalataya sa Panginoon,” sinabi ni Suganob sa panayam ng Radyo Veritas. “We face death every day. Dahil sa airstrikes, bomba ng kanyon, bala, tangke de giyera, giyera talaga.

Kung makikita sa news, hindi ka talaga bubuhayin.

“For me personally, I prepare myself to meet death. Sabi ko lang, kung bubuhayin ako, sa Kanya na ‘yun. Pero kung hindi, bibigyan kami ng pagkakataon na maghanda kung ano na ang mangyayari. And then wala kang ibang magawa at maisip kundi magdasal. Ito ang buhay ng tao. Nagtatanong man, ‘bakit ganito, Lord?’ Pero, pasalamat pa rin sa puso, sa isip, inaasahan na nandiyan pa rin ang panginoon. Nakikita niya ang lahat,” kuwento ni Suganob.

Matatandaang kasama ang 13 iba pa ay binihag si Suganob, vicar general at chancellor ng Prelatura ng Marawi at chaplain ng Mindanao State University, ng mga terorista mula sa St. Mary’s Cathedral at Dansalan College.

Nasagip ng militar si Suganob makalipas ang 116 na araw.

“Tinawag ako ng Panginoon at ginusto ko rin na susunod ako sa mga utos Niya. Maging servants ng mga tao, lalo na sa mahihirap. Sa pangyayaring ‘yun, malalim na sabi ko, ‘may ibang tawag ang Panginoon para sa akin’,” ani Suganob.

“Bokasyon ko na maging instrumento ng milagro, hindi ko na inisip na lalabas pa ako nang buhay. I’m prepared, binuhay pa Niya ako, beyond my imagination, para siguro ipaalam na Siya lang ang nakakaalam sa buhay ng tao—kung ano mangyari. Maaari kang mamatay o maaari kang mabuhay. We do not know. Kailangan lang ay ang pananalig sa Panginoon,” sabi pa ni Suganob.