Ni: Liezle Basa Iñigo at Ariel Fernandez

Nagsagawa ang Northern Luzon Command (NoLCom) ng search and rescue operation makaraang bumagsak ang isang Cessna plane sa hangganan ng Pantabangan, Nueva Ecija at Maria Aurora, Aurora nitong Lunes.

Inihayag kahapon ni Ltc Isagani Nato, tagapagsalita ng NoLCom, na nagsagawa ang grupo nila ng search and rescue operation sa lugar hanggang kahapon.

Una rito, sinabi sa report na nag-emergency landing ang Cessna plane at bumagsak sa pagitan ng Pantabangan at Maria Aurora dakong 12:30 ng tanghali nitong Lunes.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ayon kay Nato, kaagad na inireport ang insidente sa kanilang Command, sa pamamagitan ng PAF, ng isang Bong Meneses mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Ayon sa report na isinalaysay ni Mr. Meneses, ang isang Cessna Plane, na mayroong tail #152 RPC-1955 at pag-aari ng Fly Fast Aviation, ay nagsagawa ng emergency landing sa binisidad ng Pantabangan.

Minamaniobra ni Capt. Albert Galvan ang eroplano kasama ang isang Alexis Trinidad bilang kanyang pasahero, nang mangyari ang insidente.

Umalis ang eroplano kasama ang instructor at estudyanteng piloto sa Lingayen Airport sa Pangasinan dakong 10:02 ng umaga patungo sa Baler, Aurora.

Kaagad namang naalerto ng Operation Rescue and Coordinating Center (ORCC) ang Aircraft Accident Investigators, National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), at Air Force Operation para magsagawa ng rescue operations, na nauwi sa pagkakaligtas sa mga biktima, na kapwa sugatan.