Ni: Leonel M. Abasola

Kakasuhan ngayong Miyerkules ni Senator Antonio Trillanes IV sa Office of the Ombudsman si Senator Richard Gordon kaugnay ng umano’y kinasangkutan nitong anomalya bilang chairman ng Philippine Red Cross (PRC).

“I will be filing the case tomorrow, plunder, against Senator Gordon. Tomorrow morning ‘yan. This is in relation doon sa pag-plunder niya nung pondo ng gobyerno na ipina-allocate niya sa Red Cross,” sinabi kahapon ni Trillanes sa Kapehan sa Senado. “Ginamit niya and Red Cross para sa sariling interest.”

Aniya, mahigit P50 milyon ang sangkot na halaga kaya pasok talaga sa plunder ang kaso, at halos kapareho umano ito sa operasyon ni Janet Lim-Napoles, ang sinasabing pangunahing suspek sa “pork barrel” fund scam.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“Nung Senador siya, nung first term niya, nag-allocate siya ng pondo sa Red Cross habang chairman siya. Bawal ‘yun, parang Napoles scam ‘yun,” ani Trillanes. “Kung titingnan mo walang problema. Kaso siya ang chairman, siya ang nagdi-disburse ng pondo.”

Sinabi pa ni Trillanes na hihilingin din niya sa Commission on Audit (CoA) at sa International Federation of the Red Cross na magsagawa rin ng sariling imbestigasyon sa usapin.

Setyembre ngayong taon nang ihayag ni Trillanes na kakasuhan niya si Gordon, na nakainitan niya sa kasagsagan ng pagdinig ng Senado sa P6.4-bilyon shabu shipment. Matatandaang inakusahan ni Trillanes si Gordon na nag-aabogado para sa mga Duterte.

Dahil dito, sinampahan ni Gordon ng reklamo si Trillanes sa ethics committee, na ginawa rin ni Trillanes laban sa kanya.

Samantala, sinabi ni Trillanes na maghahain naman siya ng kasong libel laban sa Thinking Pinoy blogger na si RJ Nieto at sa isang kolumnista sa pagpapakalat umano ng “fake news”, nang banggitin ng mga ito sa kani-kanilang artikulo na tinawag ni United States President Donald Trump ang senador na “little narco-politician.”

“Pine-prepare na ng abogado ko ‘yung libel case, so kakasuhan na namin siya. ‘Yung nagkalat sila ng fake news na tinawag daw ako ni President Trump na ‘little narco’. Maliwanag na ‘yun sa US government website on the presidential pronouncements and interviews na wala talaga dun. So, kasinungalingan talaga ‘yan,” ani Trillanes.