Ni Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(MOA Arena)
1 n.h. -- San Beda vs St. Benilde (Jrs.)
3:30 n.h. -- San Beda vs San Sebastian (srs)
KAPWA handa. Parehong gutom sa kampeonato.
Asahan ang mahigpitang laban hanggang sa huling tiktik ng orasan sa pagtutuos ng defending champion San Beda College at San Sebastian College sa huling stepladder semifinal match ngayon para sa karapatan na harapin ang walang talong Lyceum of the Philippines sa championship duel ng NCAA Season 93 men’s basketball tournament sa MOA Arena.
Nakatakda ang ‘giyera’ ganap na 3:30 ng hapon.
Sa junior division, sasabak din sa parehong sitwasyon ang san Beda Red Cubs kontra St. Benilde ganap na 1:00 ng hapon.
Nakapagpahinga ng husto ang Red Lions matapos makuha ang No.2 slot matapos ang double-round eliminations, habang dumaan sa matandang kawikaan na butas ng karayom ang Stags matapos gapiin ang Letran Knights, 74-69, sa unang stepladder match noong Oktubre 20 at Jose Rizal Bombers, 85-73, noong Oktubre 24.
Kung papalarin sa naghahangad na makaulit na Lions, makukuha ng Stags ang karapatan para labanan at pigilan ang Lyceum Pirates na makadaupang ang kasaysayan sa pinakamatandang collegiate league sa bansa.
Target ng Lyceum ang unang titulo sa liga.
Inaasahan na magiging pisikal ng laban na posibleng maging low scoring game dahil tiyak na matinding depensa ang ipapamalas ng magkabilang panig.
Ang San Beda ang best defensive squad sa liga matapos limitahan ang kanilang mga nakatunggali sa average na 65.8 puntos habang third best naman ang San Sebastian na napigil ang mga nakalaban hanggang 70.2.
“We all know San Beda plays really hard defense, same with us,” wika ni San Sebastian coach Egay Macaraya.
Inaabangan din ang salpukan ng dalawang koponan dahil sa namuong emosyon nang magkapalitan ng maaanghang na salita ang magkabilang panig sa kanilang huling paghaharap kung saan tinawag ni San Beda coach Boyet Fernandez si San Sebastian veteran forward Michael Calisaan na “dirty player “.
Gayunman, nais ng dalawang coaches na kalimutan na ang lahat at ang focus na lamang sa kanilang misyon na makarating ng finals.
“I have no problems with him (Fernandez), I’m just defending my player (Calisaan). At saka tapos na yun. We’re focus on the task at hand, “ sambit ni Macaraya.
“We would like to focus on the game and give more concern on how we could preserve our tradition at San Beda,” pahayag naman ni Fernandez.
Hindi sinasadya na bahagi ng kasaysayan ang hidwaan ng dalawang koponan. Mula 2006, bahagi ng championship ang Red Lions at nabigo lamang sila noong 2009 sa Stags, na pinangungunahan noon ng ‘Pinatubo Trio’ nina Calvin Abueva, Ian Sangalang at Ronald Pascual at sa Letran noong 2015.