Inatasan ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang Criminal Investigation and Detention Unit (CIDU) na imbestigahan at arestuhin ang umano’y mga vigilante na pumaslang sa isang construction worker sa Quezon City, nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang biktimang si Nestor Tiangahas, 42, residente ng Mendez Street, Barangay Baesa, Quezon City.
Duguang humandusay si Tiangahas hindi kalayuan sa kanyang bahay dahil sa dalawang tama ng bala sa ulo.
Base sa imbestigasyon ni PO3 Hilario Wanawan, ng CIDU, dakong 10:00 ng gabi nang nagpaalam ang biktima sa misisn na si Jenny na may taong kakausapin sa labas.
Subalit makalipas ang may isang oras ay nakarinig umano ng mga putok ng baril si Jenny at ilang saglit pa ay humangos sa kanilang bahay ang ilang tao at ipinagbigay-alam ang sinapit ng biktima. - Jun Fabon