Ni BELLA GAMOTEA

Ibinulagta ng riding-in-tandem ang isang grade 5 student sa hindi pa matukoy na dahilan sa Taguig City, nitong Biyernes ng gabi.

Dead on the spot si Mark Lorenz Salonga, 14, ng Barangay Calzada Tipas, Taguig City, dahil sa dalawang tama ng bala sa ulo buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Patuloy na inaalam ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na sakay sa isang motorsiklong walang plaka.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), naganap ang pamamaril sa Narra Street, Bgy. Calzada, Taguig City, dakong 10:00 ng gabi.

Naglalakad si Salonga sa lugar nang sumulpot ang magkaangkas na suspek, bumunot ng baril ang isa sa mga ito at binaril ang biktima sa ulo.

Ayon sa isang testigo, hindi nagpabanggit ng pangalan, nakarinig siya ng mga putok ng baril sa lugar hanggang sa natagpuan niya ang duguan at wala nang buhay na biktima habang humarurot ang mga salarin sa hindi batid na direksiyon.

Aminado naman ang ina ng biktima, si Myra, na gumagamit ng marijuana si Salonga at minsan nang ipinasok sa rehabilitation center ngunit muling bumalik sa bisyo.

Kumikilos na ang Taguig City Police para sa imbestigasyon.

May ulat ni Martin A. Sadongdong