Ni: Mary Ann Santiago

“Ang mga siraulo, pinapatay! Pinapatay!”

Ito umano ang galit na galit na tinuran ng isang ‘di pa nakikilalang lalaki habang naglalakad palayo sa lugar kung saan niya pinagsasaksak at napatay ang isang 27-anyos na lalaki sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Inaalam na ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng salarin na inilarawang kulot ang buhok, may taas na 5’2” hanggang 5’4”, nakasuot ng itim na guhitang t-shirt at itinuturong pumatay kay Marvin delos Reyes, 27, ng 15th Street, Port Area, Maynila.

National

Hontiveros sa pagsailalim kay Guo sa PNP custody: 'Napaka-iregular ng mga nangyayari'

Sa imbestigasyon ni PO3 Ryan Jay Balagtas, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), naganap ang pananaksak sa tapat ng Billeza Trucking Parking area na matatagpuan sa Fracisco Magallanes St., Manila Harbour Center, Road 10, sa Tondo, dakong 10:00 ng gabi.

Sa salaysay ni Jay-R Grifiel, 31, nagpapahinga siya nang marinig ang pagmamakaawa ng biktima at sinasabing, “Ayoko pang mamatay! Ayoko pang mamatay!”

Sinilip umano ni Grifiel ang pinanggagalingan ng sigaw at nakasalubong niya ang salarin na hawak pa ang duguang patalim na ginamit sa krimen.

Tinanong pa umano ni Grifiel ang suspek ng, “Boss, ano nangyari?” na sinagot naman umano nito ng, “Ang mga siraulo, pinapatay! Pinapatay!”

Dito na umano natakot si Grifiel at kumaripas palayo sa suspek.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.