Ni: Mary Ann Santiago
Ilang pasahero ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang nakarating sa garahe nito makaraang hindi makalabas matapos magloko at biglang sumara ang pinto ng sinasakyang nilang tren kahapon.
Ayon sa mga pasahero ng MRT-3, pababa na sila sa North Avenue Station sa Quezon City, ang huling istasyon, nang biglang sumara ang pinto at umandar ang tren papunta sa garahe, bandang 8:00 ng umaga.
Tumagal ng 30 minuto bago nakalabas mula sa tren ang mga pasahero.
Ayon naman sa MRT management, hindi bumaba ang mga pasahero kaya nadala ang mga ito sa garahe.
Samantala, tatlong ulit uling nagbaba ng pasahero ang MRT-3 dahil sa aberya kahapon, All Souls’ Day.
Sa abiso ng MRT-3, magkasunod na pinababa ang mga pasahero sa Ayala Station northbound, dakong 5:27 ng madaling araw at sa North Avenue Station southbound, bandang 8:10 ng umaga dahil sa ayaw magsarang pinto.
Nag-abang na lamang ng susunod na tren ang mga pasahero para makarating sa kani-kanilang destinasyon.
Samantala, pagsapit ng 12:57 ng tanghali ay muling nagpababa ng mga pasahero ang MRT-3 sa northbound ng Magallanes Station, dahil naman sa brake failure.