Winning streak ng Detroit, tinuldukan ng LA Lakers.

LOS ANGELES (AP) – Pinigil ng Lakers ang pagsirit ng Detroit Pintons, 113-93, nitong Martes (Miyerkules sa Manila) sa Staples Center.

Pitong Lakers, sa pangunguna ni Julius Randle na umiskor ng 17 puntos, ang kumubra ng double digits para tuldukan ang two-game losing skid ng Los Angeles.

Nag-ambag si Kyle Kuzma ng 16 puntos, habang kumana si Larry Nance Jr. ng 14 puntos at 12 rebounds, at tumipa sina Lonzo Ball, Brandon Ingram at Kentavious Caldwell-Pope ng tig-13 puntos sa Lakers (3-4).

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Nanguna sina Tobias Harris at Reggie Jackson na may tig-18 puntos sa Pistons (5-3).

SUNS 122, NETS 114

Sa New York, naghabol ang Phoenix Suns sa final period para gapiin ang Brooklyn Nets.

Hataw si Devin Booker sa nakubrang 32 puntos, habang kumana si Mike James ng 24 puntos para sa come-from-behind win ng Phoenix.

Nabitiwan ng Suns ang 18 puntos na bentahe sa third period sa dominanteng 17-0 run ng Nets. Naagaw ng Nets ang bentahe sa 106-98 mula sa jumper ni Ronda Hollis-Jefferson may 6:35 sa laro.

Nakabawi ang Suns, sa pangunguna ni T.J. Warren na umiskor ng 20 puntos, kabilang ang 14 sa impresibong pagbalikwas sa fial period.

Nakumpleto ng Suns ang panalo sa matikas na 24-8 run para sa unang panalo sa limang road games.

Nanguna si D’Angelo Russell sa natipang 33 puntos, habang humugot si Hollis-Jefferson ng 21 puntos para sa Nets, nagtamo ng ikatlong sunod na kabiguan matapos gapiin ang Cleveland Cavaliers.

THUNDER 110, BUCKS 91

Sa Milwaukee, nagpasabok ang Oklahoma City Thunder ng 16-0 run sa final period para makontrol ang Milwaukee Bucks tungo sa impresibong panalo.

Nanguna si Paul George sa ratsada ng Thunder sa naiskor na 20 puntos, habang tumipa si Russell Westbrook ng 12 puntos, 10 rebounds at siyam na assists. Kumubra naman si Carmelo Anthony ng 17 puntos.

Nag-ambag si Steven Adams ng 14 puntos at 11 rebounds, habang kumubra si Jerami Grant ng 17 puntos mula sa bench.

Nalimitahan si Milwaukee’s Giannis Antetokounmpo, nangunguna sa NBA scoring, sa 28 puntos mula sa 9-of-14 shooting.

PACERS 101, KINGS 83

Sa Indianapolis, pinangunahan ni Bojan Bogdanovic sa natipang 17 puntos ang balanseng atake ng Pacers kontra Sacramento Kings.

Tumipa ng siyam na sunod na puntos ang Pacers (4-3) tungo sa 55-30 bentahe sa halftime.

Nagpatuloy ang mainit na opensa ng Indiana, sa pangunguna ni second-year forward Domantas Sabonis na humirit ng 22 puntos at 12 rebounds.

Nanguna si rookie guard De’Aaron Fox sa Kings (1-6) na may 18 puntos mula sa bench.