ni Bert de Guzman

IGINIGIIT ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na kailanman ay hindi niya iniutos ang EXTRAJUDICIAL KILLINGS bilang bahagi ng kanyang giyera sa droga upang masugpo ang salot na ito ng lipunan na sumisira sa utak ng kabataan at sumisira sa buong bansa. Ibig sabihin, wala siyang imprimatur na basta barilin ng mga pulis ang pinaghihinalaang drug pushers at users sa barung-barong, kalye, lansangan at barangay.

Sa harap ng regional lawyers at foreign diplomats sa commemorative at concert program ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Law Association (ALA) na ginanap sa Malacañang noong Miyerkules, muling itinanggi ni Mano Digong ang kanyang role sa pagpatay sa drug offenders.

Sa pagtitipon ng mga abogado at diplomats, sinabihan niya ang European Union (EU) “to go to hell” kapag patuloy nitong binalewala ang kanyang paliwanag tungkol sa anti-drug campaign. Niliwanag naman ni DFA Sec, Alan Peter Cayetaro na hindi isinasara ng Pilipinas ang pintuan sa alok na tulong ng EU para sa Marawi City. Dumalo sa okasyon si EU Ambassador Franz Jessen.

Sinabi ni Cayetano kay Jessen na ang pagtanggi ni PRRD ng ayuda na may kaakibat na mga kondisyon ay hindi lang partikular na patungkol sa EU kundi sa lahat ng foreign aid. Ayaw ng Pangulo na kapag ang dayuhang bansa ay nagbigay ng tulong, may kakabit itong kondisyon na dapat sundin ng Pilipinas. Nangangahulugan kung ganoon na pati ang Russia at China ay tumutulong sa ‘Pinas nang walang kondisyon.

Medyo nag-iiba ang tono ngayon ni PDU30 tungkol sa madugong giyera sa droga sapagkat noong una, sinasabihan niya ang mga pulis na tuparin ang kanilang tungkulin at siya ay nasa likuran nila, suportado niya ang mga ito sakaling sila’y kakasuhan at kung makukulong ay agad bibigyan ng parole.

Noon, kung babasahin mo ang mga patlang at pagitan (reading between the lines) sa kanyang mga pahayag, parang sinasabihan niya ang mga pulis na itumba ang lahat ng suspected drug pushers at users. Dahil dito, halos gabi-gabi at araw-araw, may 8 hanggang 10 ang napapatay na tulak at adik. Binaril daw ng mga pulis dahil NANLABAN at armado ng cal. 38 revolver at may mga sachet ng shabu. Ayon sa kaanak ng mga biktima, walang baril ang mga ito at wala ring shabu. Maliwanag na “itinanim” lang ng mga pulis ito.

Ngayon ang lead agency laban sa drug war ni Pres. Rody ay inilipat na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ilalim ni Gen. Aaron Aquino. Napansin ng mga tao na sapul nang hawakan ito ng PDEA mula sa PNP ni Gen. Bato, halos wala o kakaunti ang napapatay na drug pushers at users.

Pangako kasi ni Aquino na huhulihin nang buhay ang mga pinaghihinalaan.

Mukhang kinikilala na ngayon ng ating Pangulo ang tulong ng US hindi tulad nang dati na iniisnab niya ang ayuda ni Uncle Sam. Sa banner story ng Manila Bulletin noong Huwebes ganito ang nakalagay: “Foreign aid in Marawi cited.” Sa drop head ay ganito naman: “Duterte thanks China and Russia for arms, US and Australia for intelligence expertise”.

Pinasalamatan ni Pres. Rody ang apat na bansa sa pagtulong sa AFP at sa PNP na lipulin ang Islamic State-linked militants (Maute-Isis-ASG) sa Marawi City. Naliliwanagan na ngayon si PRRD na hindi dapat “awayin” ang US kahit patuloy ang “infatuation” at pakikipagmabutihan niya sa bansa nina Putin (Russia) at Xi Jinping (China). Sana ay tigilan na rin niya ang pakikipag-away sa EU!