ALIAGA, Nueva Ecija - Nahaharap ngayon sa kasong administratibo sa Sangguniang Panglalawigan (SP) ng Nueva Ecija ang isang bise alkalde at anim na miyembro ng Sangguniang Bayan.

Batay sa reklamong isinampa nitong Lunes ni Aliaga Mayor Gonzalo Moreno, kinasuhan niya sina Vice Mayor Elizabeth Vargas, Councilors David Angelo Vargas, Joy Colima, Susana Ramos, Jesus Ordanes, Arnel Calderon, at Dolores Alamon.

Inireklamo ni Moreno ang mga kapwa opisyal ng grave misconduct, gross negligence, misconduct in office, dereliction of duty at paglabag sa Section 60 ng RA 7160 at Section to substitute A, Title I, Book 5 ng Executive Order 292 o Administrative Code of 1987.

Ayon kay Moreno, tahasan umanong hindi inaaksiyunan ni Vargas, nang walang makatwirang dahilan, ang mga panukalang resolusyon at ordinansa na isinusumite ng kanyang tanggapan sa Sanggunian.

Probinsya

Isa sa mga pinakalumang simbahan sa Itbayat, Batanes, sinira ng ‘Leon’

Dahil dito, ayon sa alkalde, apektado ang serbisyo publiko na dapat maipagkaloob sa mamamayan ng Aliaga.

Kabilang, aniya, sa nabibimbin sa Sangguniang Bayan ang panukalang budget at mga authority to enter contract sa Land Bank of the Philippines para sa paglalagay ng mga ATM machine sa munisipyo, sa Central Luzon Expressway, water disposal company, at iba pa.

Hinihiling ni Moreno sa Sangguniang Panglalawigan na patawan ng preventive suspension ang grupo ni Vargas upang maiwasan, aniya, na maimpluwensiyahan ng mga ito ang mga testigo at ebidensiya sa kaso

Tumanggi namang magkomento si Vargas, dahil hindi pa umano niya nababasa ang reklamong isinampa ng alkalde laban sa mga bumubuo ng Konseho. - Light A. Nolasco