Ni: Fer Taboy

Labintatlong tama ng bala ang naglagos sa ulo at katawan ng isang pulis na napatay makaraang tambangan ng riding-in-tandem sa Tupi, South Cotabato, iniulat ng pulisya kahapon.

Narekober ng pulisya mula sa crime scene ang pitong basyo ng bala ng .45 caliber pistol.

Nakasuot pa ng uniporme si PO2 Charlie Liva, nakatalaga sa Surallah Municipal Police, nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Purok Basak, Barangay Polonuling sa Tupi, dakong 11:40 ng umaga nitong Huwebes.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon sa police report, sakay sa motorsiklo si Liva patungong General Santos City galing sa bayan ng Surallah para lakarin umano ang kanyang promotion nang dikitan siya ng motorsiklo ng mga suspek at pagbabarilin.

Tumilapon ang pulis sa gilid ng kalsada at bumaba pa ang mga suspek upang tiyaking patay na ito, tsaka kinuha ang service firearms ng biktima at tumakas.

Ayon sa pulisya, si Liva ang ikatlong pulis sa South Cotabato na pinatay ng riding-in-tandem criminals ngayong taon.