Ni: Marivic Awitan
Laro Ngayon
(Philippine Arena)
7 n.g. -- Ginebra vs Meralco
Ginebra at Meralco sa ‘sudden death’ Game 7.
WALANG naganap na selebrasyon sa barangay nitong Miyerkules.
Ngayon, hindi lamang ang tagahanga ng Barangay Ginebra ang maghahanda ng masaganang piging, bagkus maging ang Meralco Bolts fanatics.
Magtutuos ang Kings at Bolts ngayon sa ‘do-or-die’ Game Seven ng PBA Governors Cup championship ganap na 7:00 ng gabi sa Philippine Arena.
Nabalahaw ang pinaghandaang piging ng Kings nang mabigong makaulit sa Bolts sa Game Six, 98-91.
Gagamitin ng Meralco ang momentum at inspirasyon na kanilang kinabig sa malaking panalo, habang sisikapin ng Barangay Ginebra na muling ma -involve sa laro ang kanilang sixth man at pinakamalaking bentahe sa serye-ang kanilang mga fans sa muli nilang pagtutuos.
Wala nang bukas. Matira ang matibay.
Bukod sa inaasahang maaksiyong tunggalian, target din ng liga na malagpasan ang crowd attendance na 53,643 nitong Miyerkules.May 55,000 sitting-capacity ang Arena.
Para sa Bolts, napakalaking bagay ang naipatas na serye sa kanilang kampanya na makabawi sa kabiguan sa Kings sa nakalipas na conference.
Ang panalo ay isang indikasyon para sa Meralco na kaya nila at may pagkakataon na silang manalo ng pinakaaasam na unang titulo.
“‘Hindi lang sa’kin, pati sa buong Meralco team kasi kung makuha namin [yung title], first time ng franchise ‘to. Sa akin din siyempre tumatanda na tayo, ‘di natin alam kailan pa ulit magfa-Finals ang Meralco, so kumbaga may chance kami makuha ‘to,” ayon kay Reynel Hugnatan, bayani ng Bolts sa Game Six sa naiskor na 24 puntos.
“Sana nga,” aniya.
Para naman sa Kings, naniniwala silang kailangan nilang higitan ang effort partikular ang pagiging agresibo ng Meralco.
“We have to be prepared again to be the more aggressive team hoping to Game 7.Wala ng masyado sa X’s and I’d yan e.
It’s whoever wants to win the game,” pahayag ng beteranong guard ng Ginebra na si LA Tenorio.
“It’s not about schemes, doing this, doing that, it boils down to who wants it more,” aniya.
Kinakailangan din nilang magawang muling ma-involve ang kanilang mga fans sa laro na isang napakalaking bahagi ng tagumpay ng Kings.
“We have to involve them (fans) kasi part namin sila. Sila yung bumubuhay sa min, “ ayon pa kay Tenorio.