Ni: Mary Ann Santiago

Nagpahayag ng kahandaan ang nagbitiw na chairman ng Commission on Elections (Comelec) na si Andres Bautista na harapin at labanan ang plunder complaint na maaaring isampa sa kanya sa hukuman kasunod ng pagkawala ng kanyang ‘immunity from lawsuit.’

Ayon kay Bautista, alam niya na nang magbitiw siya sa puwesto ay mawawala na ang kanyang immunity na makasuhan ngunit tiniyak na handa siyang harapin ang anumang kasong isasampa laban sa kanya, kaugnay ng akusasyon ng kanyang dating asawang si Patricia na nagkamal siya ng mahigit P1-bilyon nakaw na yaman, simula nang maluklok sa puwesto sa gobyerno.

Tinawag pa ni Bautista na “ridiculous” ang plunder case na isasampa laban sa kanya dahil bago, aniya, lumutang at akusahan siya sa publiko ni Patricia, nanghihingi ito ng malaking halaga sa kanya.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Nanindigan din ang dating poll chief na wala siyang itinatago at handa siyang harapin sa tamang lugar ang akusasyon sa kanya ng dating asawa.

“I am very much aware of losing immunity. But as I said there’s nothing to hide. I hope they would file the case on the proper forum and not just blabber on in media,” aniya pa, sa panayam sa telebisyon.

Iginiit din niya na ang mga dokumentong ginagamit ng dating asawa laban sa kanya ay ninakaw mula sa kanyang tahanan at pineke ang mga ito.

Napaulat na naghahanda na ang National Bureau of Investigation (NBI) na sampahan ng plunder case si Bautista dahil sa umano’y ill-gotten wealth.

Ayon naman kay Atty. Lorna Kapunan, abogado ni Patricia, makakasama sa kaso si Atty. Nilo Divina at iba pang miyembro ng pamilya Bautista.

Nitong Martes ay pormal nang bumaba sa puwesto si Bautista matapos tanggapin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pagbibitiw, na dapat ay magiging epektibo pa sa Disyembre 31, 2017.